Arestado ang 17 sabungero matapos malambat sa isinagawang raid sa tupadahan sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City, kamakalawa nang umaga.
Nakilala ang mga inaresto na sina Raffy Amion, 29-anyos; Randy Lampayan, Demetrio Uribe, Marcelino Belarmino, Delfin Gadia, Jason Obarco, Robinion Mulano, Roberto Mulano, Angelo Lopez, Gregorio Copreira, 63-anyos; Luisito Tapan, Zaldy Tuazon, Arnold Regalario, Jeffrey Saballa, Jeffrey Jutay, Rey Mendezabal, 47-anyos, at Joel Asayas, 49-anyos, may-asawa, pawang mga residente ng Pasig City.
Base sa ulat ni PCP-8 P/Lt. Ruperto Martin Sazon, inaresto ang mga suspek sa isinagawang illegal gambling operation bandang alas-11:00 Sabado ng umaga sa Sandoval Compound, Nagpayong, Barangay Pinagbuhatan.
Nabatid na ginagawang tupadahan ang nasabing compound at matagal nang inirereklamo ng mga residente ang sugalan dahil sa pag-iingay ng mga mananaya.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang P7,620 halaga ng pustaat kasakuluyang nakakulong sa Pasig detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602. (Vick Aquino)