HINAHANGAAN ngayon ng mga kaklase ang isang 69-anyos na lolo sa kanyang determinasyon sa pag-aaral bilang first year college student sa isang unibersidad sa Dagupan City.

Siya ay si Alejandro Ibasan Jr, alyas Sir Al, ng nasabing lungsod.

Kuwento ni Sir Al, gaya ng mga estudyante, nakasuot din siya ng uniform upang pumasok sa kanilang school building at first year college student ito sa kursong Bachelor of Arts in Political Science sa Lyceum Northwestern University (LNU).

Dahil dito, hindi maipagkakaila na si Sir Al ang pinakamatanda sa klase sa kanilang unibersidad.

Ayon kay Sir Al, noong 1967, pumasok siya bilang estudyante sa isang unibersidad sa Maynila ngunit ito ay nahinto dahil na rin sa kaguluhan umano dulot ng Martial Law.

“I want to become a lawyer and because of the situation (Martial Law) natigil ako sa pag-aaral,” ani Sir Al.

Aniya, taong 1968, pumasok at nagtrabaho siya bilang seaman kung saan halos sampung taon siya sa barko bago bumalik sa Pilipinas.

Ang asawa at anak ni Sir Al ay nasa ibang bansa samantala ang isang anak nito ay nagtatrabaho bilang nurse sa isang ospital sa Dagupan City.
Nagsisilbing inspirasyon naman siya sa kanyang mga kaklase dahil sa pinamalas na sipag at tiyaga sa pag-aaral.

“Si Sir Al naman po ay willing siya makinig, tapos ‘pag may mga cases na example namin sa klase, nagbe-base siya sa personal experience niya,” ayon kay Jenelyn Supnad, guro ni Sir Al sa political science subject.

Naging inspirasyon ang 69-taong gulang na estudyante sa mga kaklase niya dahil sa ipinakitang pagsisigasing at determinasyon sa kanyang pag-aaral na nais pa rin niyang tuparin na matapos. (Allan Bergonia)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

one × three =