Ipinagmalaki kahapon ni Makati City Mayor Abigail ‘Abby’ Binay ang 180 unit ng body–worn camera na ginagamit na ngayon ng mga traffic enforcer ng Public Safety Department habang sila ay naka-duty sa lungsod.

Ito ay alinsunod sa hangarin ng kanyang administrasyon na gamitin ang makabagong teknolohiya upang mapahusay ang serbisyo at maisulong ang transparency sa pamamahala at pagpapatupad ng mga programa.

Ayon kay Abby Binay, binili nila ang mga body camera na may high-tech live video recording at wireless transmission, upang mapabilis ang responde at aksyon sa mga nagaganap na insidente ng emergency, kabilang na ang aksidente sa kalye at mga krimeng kasalukuyang nagaganap.

Sinabi ng alkalde sa pamamagitan ng naturang paggamit, madaling nakikilala at natutunton ang kinaroroonan ng traffic officer na may suot nito, kung kaya’t napapabilis ang pag-deploy sa kanila sa mga kritikal na operasyon.

“Ang body-worn camera at wireless transmission system ay nilikha ng British company na Digital Barriers at ito ay ginagamit sa UK, USA at Asia. Kabilang sa features ng bawat camera ang built-in microphone at 32 GB built-in TF memory, at 3G/4G real-time transmission” paliwanag ng alkalde.

Ayon pa kay Abby Binay, bukod pa dito napipigilan na masangkot ang mga PSD enforcer sa anumang paraan ng korapsyon, tulad ng pangingikil o pagtanggap ng suhol, napapatunayan din sa pamamagitan nito kung ang isang pag­huli ay maayos na isinagawa.

Makakatulong aniya ang suot na body cam upang mapatunayan ang mga tunay na pangyayari, lalo na kapag may reklamo ang motorista tungkol sa umano’y pag-abuso ng enforcer.

Nakikita kasi sa monitor ng mga operator sa command center ang mga nakikita rin ng mga PSD enforcer.

Dagdag pa rito, inaasahang makakatulong ang system sa pagmonitor ng mga panganib sa kalusugan at kaligtasan ng mga motorista at mga kawani ng PSD, na makakatulong sa pagbalangkas ng mga polisiya at mga road safety interventions.

Sa kasalukuyan, ang Makati Command Control and Communications Center (C3) ang nagsisilbing central command at monitoring station para sa mga traffic-related operation sa pamamagitan ng mga body camera.

Ang ginagamit na monitoring system dito ay pinapaandar ng Edge Vis Live, isang video transmission platform na gumagamit ng world-class technology.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

5 × 5 =