MULING nag-abot ng ayuda sa frontliners ng COVID-19 pandemic ang Phoenix Super LPG Fuel Masters, nag-pledge din ang players ng bahagi ng kanilang sweldo para sa help effort.
Nitong weekend, magkakasama ang ilang players at team personnel na nag-repack at nag-deliver ng pagkain, relief packages at personal protective equipment sa Metro Manila.
Si Calvin Abueva ang naging cook, niluto sa kanyang restaurant sa San Juan ang pagkain na pinamigay sa checkpoints sa Pasig, Quezon City at San Juan.
Kasama ng The Beast ang teammates sa preparasyon at pagluluto.
“The players wanted to be more involved this time, rather than just donate money,” ani team manager Paolo Bugia.
Katuwang ni Abueva sa pagluluto at pagre-repack ng pagkain sina Justin Chua at Dave Marcelo. Nanguna sa distribusyon sina JC Intal, JR Reyes, RJ Jazul, trainer Aldo Panlilio, liaison officer Rudy Ocampo at si Bugia.
Nag-donate ang Fuel Masters ng sako-sakong bigas at PPEs sa Pateros, relief packages para sa mga daily wage employes ng Upperdeck Sportscenter na naging tahanan ng Phoenix sapul noong 2016.
Food packs at PPEs (suits, masks) ang binigay sa Ospital ng Makati, food packs sa 103rd Military Barracks sa Magtanggol, Pateros, food packs at PPE sa National Bilibid Hospital sa Muntinlupa, at food packs sa mga nadaanang checkpoints. (VE)