HINDI pa man nagtatagal sa kanyang pagpapahayag ng pagreretiro sa propesyonal na paglalaro ay agad nang hinihikayat ang ilang beses naging miyembro ng Gilas Pilipinas at dating miyembro ng TNT KaTropa na si Ranidel De Ocampo upang subukan ang pagiging coach.
Isa na dito ang FIBA ambassador at dati ring miyembro ng Gilas na si Jimmy Alapag, na hindi maitago ang kanyang pagkilala kay De Ocampo bilang isang game-changer at isa sa pinakamahusay sa paglalaro bilang power forward .
“You revolutionized the ‘Stretch 4’ position with your ability to post up, attack above the rim, and consistently hit shots from 3,” sabi ni Alapag sa Instagram account nito na @jalapag3.
Si Alapag ang kasalukuyang coach ng Alab Pilipinas sa Asean Basketball League (ABL) na umaasang makukuha ang serbisyo ni De Ocampo upang mas mapalakas nito ang kanyang koponan sa paghahangad sa nakansela din na internasyonal na liga mabawi ang korona.
Nauna nang nagpahayag ang kasalukuyang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SB) – Gilas Pilipinas project director Tab Baldwin na makatulong ang dating St. Francis of Assisi player na makabilang sa national coaching staff na inilalatag ang panibagong programa hanggang sa taong 2023. (Lito Oredo)