Kahapon, tinawagan ko si Annabelle Rama. Nag-post kasi si Bisaya sa kanyang Facebook account kung saan ay naka-face shield, mask, gloves, sumbrero at jacket at lumabas siya ng bahay para bumili ng gamot para sa kanyang pamilya.
May mga nag-message sa akin at sabihan ko raw si Bisaya na dapat hindi na lumabas pa ng bahay.
May isang talent manager na close kay Bisaya ang nagsabi sa akin na, “Sabihan mo si Tita Annabelle, mag-utos na lang siya. Huwag na siyang lumabas, senior citizen na siya, baka magkasakit pa siya!”
Sa post na ‘yon ni Bisaya ay marami rin ang nagsabi sa kanya na hindi na siya dapat lumabas, pero may mga nagsabi rin na tama ang get-up niyang ‘yon para iwas-COVID-19.
So, kahapon nga, sinabihan ko siya tungkol sa reaction ng mga kaibigan at followers niya.
“Nabasa ko nga. Gusto ko ngang sumagot, wala naman akong mautusan na mag-post,” sabi niya.
“Noong una, inuutusan ko lang talaga ‘yung driver namin na tagabili ng lahat, pero sa botika lang pupunta, inaabot ng ilang oras.
“Ang tagal dahil ang haba ng pila. Eh, senior citizen kasi ako, may special lane, kadalasan, hindi pila sa senior citizen lane, kaya sandali lang kapag ako ang bumibili ng gamot.
“Pero pagkabili ko naman, uwi kaagad ako. Pagdating sa bahay, lahat, hinuhubad ko kaagad at naliligo akong mabuti.
“Saka panay naman ang vitamins ko rin.
“Huwag na rin silang mag-worry. Sanay na naman ang beauty ko na naka-lockdown sa bahay. Hindi naman ako naglalakwatsa kapag lumalabas.
“Tapos na ang panahon na lakwatsera ako. Tanggap ko na na kapag hindi kailangang lumabas ng bahay, hindi na talaga ako lumalabas.
“Noon kasi na normal pa ang lahat, kapag nasa bahay lang ako, hindi ako mapakali. Kung sino-sino tinatawagan ko para makalabas ako ng bahay. Para may mapuntahan ako.
“Si Mother Lily (Monteverde) na palagi kong kasamang mag-dinner, hindi na rin lumalabas ng bahay, kaya behaved na ako ngayon. Nagsasawa naman ang mga tao sa bahay sa mukha ko,” natatawang sabi ni Bisaya.
Gwen, David kanselado ang kasal sa June
Seryoso na sa pagpapapayat si Gwen Zamora at kuwento niya sa akin nang maka-chat ko kahapon, malaking bagay na sinasabayan siya sa pag-e-exercise ng kanyang fiancé na si David Semerad.
Sa farm nila sa Batangas naka-lockdown ang mag-fiancé kasama ang anak nilang si Baby Cooper.
Enjoy lang daw sila sa kung tawagin ng PBA player ay “Semerad Cabin” na tumulong din siya sa paggawa.
Actually, ang improvements lately sa cabin nila ay madalas na si David na ang gumagawa.
Pati nga ang exercise equipment na ginagamit nila doon ni Gwen, ginawa lang nila. Bukod sa pag-e-exercise, enjoy rin si David sa pagtatanim.
Marami nga siyang mga prutas at vegetables na tanim na puwede nilang mapakinabangan!
Happy lang daw sila sa simple life nila ngayong lockdown sa kanilang farm.
Mukhang wala nga rin palang problema sa mag-fiancé ang lockdown na ito dahil ‘yung naka-schedule naman nilang wedding on June sa Tagaytay City ay kinansela na rin nila.
Sa ngayon, wala pa silang bagong wedding schedule, kaya mas matututukan pa ni Gwen ang kanyang pagpapapayat bago maganap ‘yon.
Eh, mukhang seryoso naman si Gwen sa ginagawa niyang pag-e-exercise, although madalas din siyang magluto ng yummy dishes ngayon dahil lockdown nga sila sa Batangas, kaya baka ilang buwan lang ay balik na rin siya sa dati niyang kaseksihan, huh!
Oo nga pala, madalas maikuwento ni Gwen na daddy’s boy si Baby Cooper. Kapag si David na ang may karga sa bata, aliw na aliw ito!