Kung mayroong unang bibigyan ng prayoridad ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang paglaya ay pagpapagamot sa kanyang sakit.
“Nu’ng tinanong ko siya, actually marami kasing request ang media for an interview with her… tinanong ko siya kung willing siya magpa-interview agad, ang sabi niya hindi daw kasi ang uunahin niya pagpapagamot niya,” anang spokesman ni Arroyo na si Atty. Larry Gadon.
Sinabi ni Gadon, uuwi umano si Arroyo sa kanyang bahay sa La Vista, Quezon City para makapiling ang kanyang mga mahal sa buhay.
“….then the following day pupunta na siya ng St. Luke’s para sa mga new examinations,” ani Gadon.
Samantala, sinabi naman ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ng mga Arroyo, na walang ill-feeling ang dating pangulo kay dating Pangulong Noynoy Aquino.
Ang gusto lang umanong gawin ni Congw. Arroyo ay ang makasama ang kanyang mga constituents at malaro ang kanyang mga apo.