`Balik Probinsya’ pinagtibay ni Duterte

Itinatag na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang `Balik Probinsya, Bagong Pag-asa Program para sa mga mamamayang nais bumalik sa kanilang lalawigan upang mabawasan ang populasyon sa Metro Manila.

Batay sa inilabas na Executive Order No. 114 na nilagdaan ng Pangulo noong Mayo 6, 2020, layon nitong mabawasan ang populasyon sa National Capital Region at iba pang masisikip nang metropolis sa pamamagitan ng `reverse migration’.

At dahil malaki at siksikan ang populasyon, ang Metro Manila ang natukoy na epicententer ng COVID-19 pandemic sa buong bansa.

Dahil hindi makontrol ang paglobo ng populasyon sa NCR, naging dahilan ito para hindi naging balanse ang kaunlaran sa iba’t ibang rehiyon, kawalan ng oportunidad sa trabaho sa mga kanayunan at hindi pantay na distribusyon ng kayamanan.

Kasabay nang paghikayat sa mga tao na umuwi sa kanilang mga probinsya, inutos ni Pangulong Duterte ang pagbibigay ng mga social service, paglikha ng maraming trabaho at negosyo at tiyaking maiangat ang antas ng pamumuhay sa mga kanayunan para magtagumpay ang Balik Probinsiya, Balik Pag-asa Program.

Isang konseho ang itinatag para matiyak na epektibong maipatupad ang programa na pamumunuan no Executive Secretary Salvador Medialdea bilang chairperson at vice chairperson si National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Karl Kendrick Chua.

Miyembro ng konseho ang iba’t ibang pangunahing ahensiya ng pamahalaan. Inatasan ito na buuin ang mga guideline ng programa sa loob ng 30 araw. (Aileen Taliping/Prince Golez)