Tumanggi ang mga manggagawa ng rope manufacturer sa Sun Valley, Parañaque City na mag-report sa trabaho nitong Lunes, Mayo 18.
Giit ng labor union ng Everbright Net and Twine, kailangang i-disinfect muna ang pabrika at ipatupad ang occupational safety measure bago sila bumalik sa trabaho.
Ang mga manggagawa dito ay hindi nakatanggap ng ayuda mula sa DOLE-CAMP kahit naghain ng aplikasyon ang kanilang employer noong Marso. Ang unyon ay kaalyado ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino at Solidarity of Unions in the Philippines for Empowerment and Reform (SUPER) federation.
“Walang manggagawa na nais tumigil sa trabaho lalupa hindi naman pinaghandaan ng gobyerno ang ayuda para sa manggagawa nang biglaan nitong ipatupad ang lockdown. Halos lahat ng pangangailangan namin ay kailangang bilhin, at para magkaroon ng pambili, kailangan naming ibenta ang aming lakas-paggawa kapalit ng sweldo.”paliwanag ni Teddy Fernandez, presidente ng Lakas Manggagawa sa Everbright-SUPER
“Subalit kung mapepeligro naman ang manggagawa (kasama ang kanyang pamilya, na maaring mahawa sa kanya dahil sa COVID19) dahil sa kanyang pagtatrabaho, nawawalan ng saysay ang trabaho. Imbes na maging hanapbuhay, ito ay nagiging hanap-patay. Hindi kami magdadalawang-isip na maglunsad ng mass action para sa mass testing.”giit pa niya.
“Nagkaisa na ang lahat ng manggagawa. Huwag na munang pumasok ngayon. Sundin muna ang guidelines ng lungsod ng Paranaque na dapat sumailalim muna ang lahat ng papasok sa rapid testing sa sakit na COVID19.”dagdag ni Fernandez.