NAIS ni Senador Leila de Lima na magsagawa ng imbestigasyon ang Senado hinggil sa biglaang pagtaas ng bilang ng drug-related killings sa Central Luzon sa gitna ng pinaigting na kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa droga.

Sa kanyang Senate Resolution 1041, tinukoy ni De Lima ang nakabibiglang record ng pagpatay sa Central Luzon na tinawag na bagong “extrajudicial killings epicenter” at bagong “killing fields” ng drug war ng Pangulo.

Sinabi ni de Lima na sa nakalipas na taon, lumabas sa mga report na bagama’t bumaba ang kaso ng pagpatay kaugnay sa drug related ope­rations sa Metro Manila, tumataas naman ang mga insidente sa mga kalapit na lalawigan partikular sa Central Luzon.

“It is urgent to investigate this apparent shift of focus to Central Luzon and to assess the strategy pursued by the administration’s drug war,” diin ni De Lima.

Batay anya sa datos ng PNP noong 2018, 542 drugs suspects ang napatay sa police opera­tions sa Central Luzon, o katumbas ng 29.6 percent ng kabuuang drug operation killings.

Binigyang-diin ng senador na mababa rin ang bilang ng mga nakumpiskang droga ng mga pulis sa Region 3 na umabot lamang sa 11.98 kilo ng shabu.

Hinihinala ng mam­babatas na posibleng ang exodus ng mga kontrobersyal na pulis mula sa Metro Manila patu­ngong Central Luzon, ay may kinalaman sa pagtaas ng mga kaso.

“The manner of executions reflects the kil­lings made here in Metro Manila, the dif­fe­rence being the drug operations are committed in another area, with new victims,” diin nito.

Nais malaman ni De Lima sa pagsisiyasat kung ginagamit ng mga pulis ang all out war laban sa droga bilang lisensya upang makagawa ng human right violations at iba pang iligal na gawain. (Dang Samson-Garcia)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

15 + eighteen =