NGAYONG nasa General Community Quarantine (GCQ) na ang maraming lugar sa ating bansa ay kailangan natin ng dobleng pag-iingat dahil sa patuloy pa rin ang COVID-19 pandemic, ang kalabang hindi nating nakikita.

Patuloy ang pagkamatay ng marami at kahit anong pagsisikap ng ating mga frontliner para tayo ay pigilan sa paglabag sa panuntunan para sa new normal ay marami pa rin ang hindi sumusunod.

Talagang napakabigat ng problemang ito dahil halos hindi na natutulog ang mga eksperto sa ating bansa para tugunan ang lahat ng pangangailangan ng ating mga kababayan ngunit nananatiling mabigat pa rin ang sitwasyon.

Sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na lamang, santambak ang mga stranded sa napakaraming lugar na lahat ay nais nang bumalik sa ating bansa ngunit hindi agad-agad maresolba ang sitwasyon.

Hindi dahil sa ayaw ng pamahalaan kundi dahil sa napakaraming kadahilanan na dapat isaalang-alang tulad ng availability ng mga quarantine area, gamot at marami pang iba na dapat ihanda.

Hindi rin biro ang pag-monitor sa kasalukuyang sumasailalim sa medikasyon nating mga kababayan na nahawaan ng COVID-19 na kasalukuyang nakikipaglaban sa kanilang mga buhay.

Hindi rin naman nahihinto ang sinusunog nating mga kababayan dahil nasawi na sa COVID-19 habang malakas ang puwersa ng marami sa ating mga kababayan na nais nang magbalik sa trabaho.

Hindi rin tumitigil ang mga tsuper ng jeepney na hindi pa matiyak kung kailan o baka hindi na sila maibabalik sa pamamasada dahil nga sa kipot ng jeepney ay posibleng hindi masunod ang physical distancing.

Dahil dito ay maraming tsuper ang nagpupunta na sa kalye para mamalimos dahil hindi na nila makayanan ang daing ng kanilang pamilya na pumapalahaw sa gutom.

Kasabay nito ay nakararanas din ng pangamba ang mga nasa probinsiya,lalo pa ang mga bayang hindi pa inaabot ng COVID-19 o kakaunti pa ang kaso ng COVID-19 dahil sa programang balik-probinsiya.

Alam naman natin kung gaano kahigpit ang programang ito ngunit hindi maiaalis sa mga kababayan natin sa probinsiya ang alalahanin na posibleng kumalat na sa kanilang lugar ang virus dahil sa pagdating ng mga galing sa Kamaynilaan.

Idagdag pa ang isang tambak na mga kababayan natin na naghihintay ng masasakyan patungo sa kanilang mga probinsiya na walang masakyan ay ilang linggo nang naninirahan sa mga ilalim ng mga flyover at umaasa na lamang sa tulong ng mga malambot ang kalooban para makakain.

Kabilang na ang isang ina na mula Cubao ay naglakad patungong Pasay City dahil wala ngang masakyan at nagbabakasakaling makasakay ng bus patungong Bicol.

Inabot siya ng limang araw sa isang overpass at dahil sa kakulangan ng lahat ay unti-unting bumagsak ang katawan at binawian ng buhay ngunit matapos na pumutok sa media ang istorya ay wala na, tambak pa rin ang naghihintay sa ilalim ng mga flyover.

Ganyan kabigat ang ating sitwasyon, hindi na makandaugaga ang lahat kaya makabubuting maghigpit ng kaniya-kaniyang pag-iingat at huwag natin iasa sa iba ang ating mga buhay.

Marami kasi ang tila nasasanay na sa sitwasyon at hindi na nag-aalala na baka mahawa at kahit ang mga gamit na facemask ay ilang araw ng hindi nalalabhan o madalas ay hinahawakan din ng paulit-ulit bago gamitin.

Simulan natin sa sarili ang pag-ingat, sundin ang mga inilalabas na palatuntunan at huwag puro daing, ang pagsunod sa panahong ito ay isang malaking tulong na sa ating pamahalaan.

Ingat tayong lahat.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

13 − 8 =