Hirap ngayon ang pamahalaan na makalikom ng sapat na buwis dahil sa COVID-19 pandemic. Dahil dito, lumabas ang panukala mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na buwisan ang maliliit na online sellers.

Sa aking pananaw, hindi napapanahon ang ganitong hakbang. Imbes na buwisan, dapat pa ngang bigyan ng ayuda ang mga online sellers na nabibilang sa mga maliliit na negosyante.

Ginagawa lamang nila ito upang mabuhay sa panahon ng pandemya kaya kung bubuwisan ang mga online sellers ay para na rin natin silang pinatay.

Kaya naman natutuwa ako nang linawin ng BIR na ang target nila ay ang malalaking online businesses lamang. Kabilang dito ang Netflix at mga higanteng online shopping companies tulad ng Lazada.

Ngunit higit sa mga bagong buwis na nais ipataw ng BIR, marapat ding pagbutihin nila ang koleksyon ng buwis. 

Maganda ang layunin ng ahensiya na i-require na magparehistro sa BIR ang mga online businesses malaki man o maliit. Tunay na ito ay proteksyon din para sa mga mamimili. Ngunit para sa akin, mahalagang bigyan natin sila ng pagkakataong kumita sa panahon ng pandemya upang ipantawid-gutom sa kanilang pamilya. Marami kasi sa kanila ang nawalan ng trabaho dahil sa coronavirus crisis kaya naisipang magnegosyo online.

Kung tapos na ang pandemic, o kaya’y lumampas na sa P250,000 kada taon ang kanilang benta ay tsaka na lamang siguro sila singilin sa kaukulang buwis sa kanilang negosyo. Marami pang panahon para ito’y pag-aralang mabuti ng pamahalaan upang pairalin sa tamang panahon.

Pero habang may COVID-19 pandemic, kahit na elementary student ay nakakaintindi na wala sa timing ang pagpapataw ng buwis sa mga maliliit na online sellers.

Sa kabilang dako, nais kong ipaabot ang taus-pusong pakikiramay sa mga naulila ni Michelle Silvertino, ang Bicolanang pumanaw sa isang footbridge sa Pasay City matapos ang limang araw na paghihintay ng bus para makauwi sa Calabanga, Camarines Sur. Sinadya po nating dumalaw sa kanilang tahanan upang makiramay sa pamilya at magbigay ng tulong pangkabuhayan.

Si Michelle ay isang solo parent na lumuwas sa Maynila sa hangaring makapagtrabaho sa abroad. Subalit bumagsak siya sa medical exam kaya’t napilitang magtrabaho bilang kasambahay.

Tinitingnan ng inyong lingkod kung ano pa ang maaaring ibigay na tulong sa apat na musmos na naulila ni Michelle. Batid ng Ako Bicol partylist ang hirap na dinaranas ng kanyang pamilya at sa iba pang Pilipinong apektado ng pandemya. Kaya naman nangangako ang aming partylist group sa patuloy na pagtulong sa mga nangangailangan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

19 − eight =