Pinaslang ng hindi nakikilalang salarin ang isang kilalang 73-anyos na human rights lawyer sa loob ng tanggapan nito sa Brgy. Poblacion Sur, Talavera, Nueva Ecija noong Biyernes ng gabi.
Sa ulat na nakarating kay Mayor Nerivi Santos- Martinez, nakilala ang biktima na si lawyer Bayani Parumog Dalangin, residente ng 332 Maria Theresa Extension, Cabanatuan City.
Lumitaw sa imbestigasyon ni Police MS Marvin Verde na dakong alas- 7:15 ng gabi kausap ng abogado ang isang kliyente sa loob ng opisina nito sa Brgy. Poblacion Sur nang biglang dumating at pumasok ang armadong salarin.
Limang beses umanong pinagbabaril si Atty. Dalangin ng salaring mabilis tumakas sakay ng motorsiklo patungong kanluran.
Agaw buhay na naisugod ang biktima sa Talavera General Hospital subalit binawian ng buhay pagkaraan ng ilang sandali.
Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya at inaalam ang posibleng motibo sa pamamaslang.(Jojo de Guzman)