Sa isang iglap ay binago po ng COVID-19 ang halos lahat ng aspeto ng ating pamumuhay – trabaho, komersyo, edukasyon, transportasyon, at maging ang ating mga ugnayan at mga nakagawian.
Hindi po tayo handa sa isang pandemiko at wala naman po talagang sinumang handa, maging ang mga makapangyarihang bansa, sa mga ganitong hindi naman talaga inaasahang bagay.
Ito po ang dahilan kung bakit marami tayong binabago ngayong sistema at talaga pong sa kahit anong uri ng pagbabago ay kailangan nating mag-adjust. Kasama po sa nangangailangan ng pagbabago ay ang mga umiiral nating mga batas.
Habang pinupuri po natin ang mga kababayan nating kaliwa’t kanan sa paghahanap ng donasyon para makatulong sa ating kapwa na maitawid ang lockdown, pinapatigil naman sila ng DSWD dahil sa kawalan ng mga kaukulang permit mula sa ahensya.
Batid po natin na nahihirapang makatugon ang DSWD sa laki ng gampanin nito sa distribusyon ng cash aid at tiyak na dagdag na trabaho sa kanila kung bubusisiin pa ang bawat fund-raising activity habang nasa gitna tayo ng isang public health emergency.
Pinagbabatayan ng DSWD ang Presidential Decree 1564 o ang “Solicitation Permit Law” sa pag-isyu ng babala sa publiko subalit tila hadlang ito sa ngayon para mas mabilis na makarating sa ating mga kababayan ang tulong mula sa inisyatibo ng mga indibidwal at mga pribadong organisasyon.
Sang-ayon po tayo na dapat may regulasyon sa paghingi ng donasyon para hindi rin ito masamantala pero dapat gumawa ng mekanismo ang DSWD para maiwasan ang red-tape sa pagkuha ng permit sa ahensya. Mas importante po na matiyak ng ahensya na mas maraming makaresponde sa panahon ng emergency.
Ilang mga kababayan din po natin ang kusang-loob na namimigay ng milk formula sa mga nanay na walang panggatas sa kanilang mga sanggol dahil wala naman silang kinikita ngayon kaya namamalimos na lang ang ilan sa kanila sa gilid ng mga lansangan.
Sa kabila nito, isang konsehal sa Quezon Province na boluntaryong namigay ng gatas ang nakatanggap ng sulat mula sa DILG kung saan humihingi ng paliwanag kung bakit hindi siya dapat kasuhan dahil ang kanya raw ginagawa ay paglabag sa “Milk Code” at napagkasunduang polisiya ng DILG at DOH.
Sang-ayon po tayo na mas mainam ang breastfeeding kesa sa infant formula. Pero kung pipigilan sa ngayon ang pamimigay ng tulong sa mga nanay na walang panggatas dahil sa krisis ay hindi naman po yata iyon makatao. Dapat pong palakasin ang batas para tulungan ang bawat LGU na maglagay ng mga “milk bank” para hindi kailangang mamalimos ng tulong ang ilang mga nanay para mapakain ang kanilang mga sanggol.
Tungkol naman sa pagbubukas ng klase sa public school. Nauunawaan po natin kung bakit kinukunsidera ng DepEd ang pagbubukas ng mga paaralan sa Agosto dahil ito po ang nakasaad sa RA 7797 na pinapatupad mula pa noong taong 1994.
Subalit hindi po ito ang dapat na manaiig sa kasalukuyan. Mas marapat tingnan ng DepEd ang mga datos kaugnay ng COVID-19 at humanap ng mga siyentipikong basehan kung kailan dapat muling buksan ang klase sa public school.
Tandaan po natin na delikadong palabasin ang mga bata habang nakataas pa ang banta ng COVID-19 dahil hindi naman mababantayan ang bawat galaw nila habang nasa paaralan o labas sila ng bahay.
Sa tingin po natin, dapat baguhin ang batas para hindi nakatali ang kamay ng DepEd sa iskedyul ng pagbubukas ng klase kapag may mga emergency situation tulad ng COVID-19.
Kung magtagal pa ang pagbubukas ng klase ay makakatiyak naman po tayo sa kaligtasan ng ating mga anak at pagkakataon din po ito para sa capacity building ng ating mga educational institution para sa “mixed learning” na angkop sa umiiral na ngayong “new normal”.
Samantala, mainit na usapin pa rin po sa mga kolehiyo at unibersidad ang “mass promotion” dahil sa kawalan ng access sa teknolohiya at internet ng mas maraming bilang ng mga estudyante sa tertiary level na paraan sana para magawa at maisumite nila ang lahat ng mga rekwayrment ng kanilang mga guro.
Bagamat inaasahan natin ang CHED na manduhan ang mga Higher Education Institution (HEI), naiintindihan po natin kung bakit nahihirapan ang Komisyon na gawin ito dahil sa prinsipyo ng “academic freedom”.
Ilang beses na pong pinahayag ng CHED na hindi ito pwedeng manghimasok sa kapangyarihan ng mga unibersidad na gumawa ng sariling desisyon kahit pa may banta ngayon ng COVID-19.
Magsusumite po tayo ngayong linggo ng Senate Resolution na humihikayat sa CHED na manawagan sa mga unibersidad at kolehiyo na tapusin ang kasalukuyang semestre ngayong April 30 at magpatupad din ng “mass promotion” dahil mas importante po ang kaligtasan ng mga estudyante kesa sa kanilang grado sa ngayon.
Umuukit na rin po tayo ng panukalang batas para amyendahan ang charter ng CHED para lalong mapalakas ang ahensya sa pangangasiwa sa mga HEI lalo na sa panahon ng coronavirus.
Naniniwala po tayo na nariyan ang mga batas hindi para pahirapan ang ating mga kababayan o sagkaan ang oportunidad nilang mabuhay nang matiwasay at marangal may krisis man o wala.
Dahil sa pandemya, nakikita po natin na marami tayong mga batas ang kailangan nang baguhin at iakma sa kasalukuyang panahon.
Hindi po natin kailangang maghintay ng trend kung kelan pababa na ang “curve” ng COVID-19 cases bago tayo mag-isip kung anong hakbang ang gagawin natin para patuloy na gumana ang mga makinarya ng ekonomiya at edukasyon sa gitna ng umiiral na “new normal”.
Kumilos na po tayo ngayon upang kahit gaano man tumagal ang sitwasyong meron tayo sa kasalukuyan, makaka-survive po tayo at sa bandang huli ay maipapanalo natin ang mga Pilipino.