Nagulat at natakot ang maraming netizen noong isang araw. Paano ba naman, pagkagising nila, biglang nagsulputan ang maraming bagong account sa Facebook na kapangalan nila, pawang mga impostor.

Nabahala ang marami, kasama na rin ako at maraming kaibigan, dahil maaaring magamit ang mga pangalan namin sa kabulastugan. Ilang pangkaraniwang tao na ba ang dinakip dahil sa mga isinulat nilang istatus? At paano kung halimbawang hindi nga ako ang sumulat pero may isang nagpapanggap na ako ang sumulat ng kahina-hinalang status? Talagang dapat mabahala.

Huwag na nating pag-usapan kung susulat ang mga impostor na ito ng private message, mangutang, manloko, mangwalang-hiya sa ibang tao. Tapos, ang babalikan, syempre ay iyong may tunay na account. Iyong may inaalagaang pangalan at integridad. Kay bilis pa namang humusga ng mga tao sa social media.

Nasa tunay na tao ang pasaning patunayan na hindi siya ang gumawa ng kasamaan gamit ang isang impostor na socialmedia account. Ang tunay na tao ang darakpin ng mga alagad ng batas kung mapatutunayang may probable cause; ang tunay na tao ang magpipiyansa; ang tunay na tao ang haharap sa hukuman, maaabala, matra-trauma.

Ang tunay na tao ang lilibakin, huhusgahan, lalaitin, ipahihiya ng maraming mapanghusgang netizen na hindi na ikinokonsidera ang mararamdaman ng nasa kabilang dulo ng monitor. Bakit nga naman magiging conscious sa mararamdaman ng iba, samantalang lubhang malayo sila sa taong kanilang binu-bully.

Kung sa totoong buhay ay mahirap magpakatao, lalo na sa birtwal na pag-iral ng iba. Lalo’t nagtatago sa impostor na account. Kay dali nga namang magpanggap.

Napag-uusapan din lang ang salitang ito, alam ba ninyong ang salitang ‘impostor’ na mula sa Latin na ‘impositus’ at ‘imponere’ na may literal na kahulugang ipalit sa lugar, o kung sa tao, ipalit sa isang tao. Noong una pa man, masama na agad ang kahulugan ng impostor, indibidwal na manloloko gamit ang ibang katauhan. Para nga naman iba ang mapagbibintangan o hindi agad sila makikilala.

Marami nang manloloko sa ating bansa hindi pa man nangyayari ang malawakang paggawa ng tinatawag na clone accounts sa Facebook.

Nariyan ang iba’t ibang personalidad na sumikat sa Facebook dahil sa kunwari ay pamimigay ng kung ano-anong tulong sa mahihirap pero puro lang naman larawan at video ang katibayan na kunwari ay nagbigay ng ayuda. Ni walang pagpapatotoo mula sa mismong tumanggap. Kay dali tuloy sumikat habang nagpapanggap. Impostor pero kaiba sa Facebook clone, ito naman ay gumamit ng ibang pangalan upang iwan ang dati niyang pangalang pagkarami-rami palang kasong panloloko tulad ng estafa.

Impostor pa rin ang pagpapalit ng pangalan kung paanong impostor din ang paggamit ng tunay na pangalan ng ibang tao. Dalawa lang ang maaaring dahilan: manloko o umiwas sa maraming asunto.

Bilin ko, laging mag-iingat. Ito na nga lang pangalan ang ating kayamanan. Tapos may mga impostor pang gusto dumungis sa katauhang buong buhay nating itinaguyod nang buong dangal.

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundanninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

9 + 12 =