Nagpalabas si Pangulong Duterte ng bagong direktiba kahapon na nag-e-extend sa pagkakalagay ng Metro Manila sa GCQ, nagbabalik sa Cebu City sa mas mahigpit na ECQ, at GCQ naman para sa Regions 2, 3, 4A, 7, kasama ang Davao. Ang iba pang bahagi ng bansa ay niluwagan at sumasailalim na ngayon sa MGCQ.
Kailan kaya darating ang Independence Day natin sa COVID-19 at quarantine? Katatapos lang nating ipagdiwang ang Araw ng Kalayaan noong Hunyo 12. Kahit naging matamlay ang paggunita sa mga bantayog dahil sa umiiral na kwarantinang sinabayan pa ng sama ng panahong dala ni Butchoy, maalab naman ang nakagawiang kilos protesta ng iba’t ibang sektor laban sa Anti-Terror Bill.
Buti pa ang Independence Day na ating ginugunita. Natapos na ang ipinaglaban at ipinagdiriwang na lang natin ang nakaraan. Subalit itong COVID-19 na nagsimulang umatake mula pa noong Disyembre 2019, nalalapit na kaya ang katapusan ng pakikipaglaban ng mga tao sa virus na ito?
Sa ilang pribadong chat group ng mga doctor at frontliners natin, ramdam mo ang pagkabahala sa tono nila sa dumaraming kaso ng COVID-19.
Sa itinalaga ng DOH na 75 COVID-19 hospitals sa buong Pilipinas, 22 dito ang nasa Metro Manila. Ilan sa mga malalaking ospital dito ang nababahala sa patuloy na dumaraming pasyente nila kaya’t pinaghahandaan na ang mga susunod na magiging problema sa kakulangan ng mga hospital beds, frontliners, supplies, at iba pa.
Buhat noong luwagan ang kwarantina sa Metro Manila at ibinaba sa GCQ sa simula ng Hunyo, halos dumoble raw ang pagdating ng pasyente sa kanilang ospital. Lumalabas na noong nasa ECQ pa ang Metro Manila, bumaba ang mga kaso ng COVID-19 at muling tumaas noong nagluwag at naging GCQ tayo.
Nagiging problema rin daw ang nagsusulputang komplikasyon sa mga tinatanggap nilang kaso ng COVID-19. Kung dati’y COVID-19 lang ang sakit, lumalabas na tila nanganak at nagbagong anyo na ito.
Kumplikado na ngang gamutin ang coronavirus, at ngayon ay iba’t ibang uri ng COVID-19 pa ang dumarating na sakit sa ating mga ospital. May COVID-19 na may kakambal na HIV, COVID-19 na may meningitis, COVID-19 na may tuberculosis, at iba pang sakit.
Asahan pa ang mga dagdag na pasyenteng paparating dala naman ang mga sakit na uso sa panahon ng tag-ulan at baha – ang leptospirosis at dengue.
Sa huling ulat, 8 milyong tao na ang dinapuan ng COVID-19 sa buong mundo, 3.7 milyon ang gumaling, samantalang 433,000 ang namatay. Sa Pilipinas, 27,000 ang may virus, 6,500 ang gumaling at 1,100 ang namatay.
Independence Day nating tatawagin kapag dumating ang panahong natalo na natin ang COVID-19. Subalit hangga’t mataas pa rin ang nadaragdag araw-araw sa mga positibong kaso, nasa gitna pa tayo ng giyera.
Tulad ng mga napapanood nating pelikula, sa bandang huli, ang mabuti ang nagwawagi at kontrabidang maituturing ang virus na nang-aapi ng mga tao. Iyan ang Araw ng Kalayaan na inaasam-asam nating lahat.
Panatilihing suot ang face mask ‘pag lalabas ng bahay o nasa mataong lugar; malinis ang mga kamay at paligid; at malusog ang pangangatawan. Kung humaba man ang giyera at magkaroon ng 2nd wave or pangalawang daluyong, iyang mga nakagawiang disiplina ang tanging magliligtas sa atin sa kapahamakan at magpapalaya sa atin sa kwarantina.