Sa paggunita ng National Mental Health Day ngayong Oktubre, aba’y lumilitaw na hindi dapat balewalain ang problema sa kalusugan ng mga Pinoy sa pag-iisip dahil posible raw na umabot ang bilang nito sa mahigit 28 milyon.

Pero bago manlaki ang iyong mga mata at magpaikut-ikot habang sinasabunutan ang sari­ling buhok, at ng sisigaw ng, “Basilio!, Crispin!,” linawin lang natin sa ating kurimaw na hindi lahat ng may problema sa pag-iisip ay baliw na.

Ang iba kasi na magulo ang pag-iisip kapag pinapayuhan na magpatingin o kumonsulta sa psychologist o psychiatrist, tumatanggi agad at ikakatuwiran na hindi siya baliw.

Dapat malaman na may iba pang problema sa kalusugan sa pag-iisip na hindi lubos na napapansin tulad ng mga may depresyon. Isama rin natin ang mga bipolar, o iyong biglang nagbabago ang ugali; ang schizophrenia, na parang may naririnig na wala naman, at iba pang uri ng psychosis.

Sabi ng isang psychiatrist sa isang ulat, isa raw sa bawat tatlong Pinoy ay posibleng may mental health problem. Kaya kung nasa mahigit 100 milyon na ang populasyon natin, aba’y aabot daw sa mahigit 28 milyon Pinoy ang may problemang pangkalusugan sa pag-iisip.

Hindi biro ang dami na ‘yon. Ang masaklap nito, iilan lang ang psychiatrist sa bansa natin at ang iba eh nag-a-abroad pa. Paano na?

Gaya na lang sa Marawi na marami ang nawalan ng tirahan, kabuhayan at mga mahal sa buhay, tiyak na marami sa kanila ang nakararanas ng trauma at depresyon. Ilan ang dalubhasa naturang problemang pangkalusugan sa kaisipan ang umaalalay sa kanila?

Kamakailan lang, isang menor-de-edad na kapatid ng isang aktres na nakararanas umano ng depresyon ang napaulat na tinapos ang sariling buhay. May isang negosyante rin ang pinaniniwalaang kinitil ang sariling buhay at pinaniniwalaan din na nakaranas ng depresyon.

Parehong may kaya sa buhay, pero dumanas ng matinding kalungkutan na humantong sa kamatayan. Papaano pa kaya iyong mga walang-wala? Hindi ba’t ilang insidente na rin ng pagpapatiwakal ng ina o ama ang naibalita na isinama pa ang kanilang mga anak dahil sa kahirapan.

Sa nangyari sa kapatid ng aktres at negosyante, makikita na walang pinipiling edad ang depresyon. Pero huwag din natin kalimutan ang mga bata na isinilang na may kakulangan sa pag-iisip o iyong mga ‘special child’.

Marami kasi sa kanila ang may pag-asa pang mamuhay na mag-isa kung mabibigyan ng gabay at edukasyon sa tulong mga guro na may sapat na kaalaman sa kanilang kalagayan at pangangailangan. Ang ibang bata naman, may kakayahan na maging mahusay sa mapipili nilang larangan.

Hindi lang iyon, isama na rin natin na dapat pagtuunan ng pansin ang mga taong-grasa na pakalat-kalat sa kalye. Aba’y baka kung masusuri lang siguro ang mga iyan at mabibigyan ng gamot, baka maging mas matalino pa sila sa ibang mambabatas.

Hindi ba’t dumadami rin ang mga naibabalitang may sakit sa pag-iisip na ikinukulong o ikinakadena ng kanilang mga kaanak para hindi makalabas o kaya naman ay hindi makapanakit. Ang dahilan, wala silang mapagdalhan para maipatingin, walang pambili ng gamot, at walang makatulong.

Sa harap ng mga balitang patayan, maganda naman sigurong pag-isipan ng mga opisyal at mambabatas natin ang pagsagip sa buhay at tulungan ang mga may problema sa kalusugan ng isipan. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter:@dspyrey)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

5 × two =