Nanawagan si Senador Sonny Angara sa gobyerno na ipaliwanag sa publiko kung ano ang mga maaari at hindi puwedeng gawin sa ilalim ng general community quarantine o GCQ na ipatutupad sa ilang bahagi ng bansa simula sa Abril 30.
Nangangamba si Angara na kung luluwagan nang husto ang mga tao na nasa ilalim ng GCQ, baka magkahawaan ang mga ito at muling sumirit ang bilang ng tinamaan ng coronavirus disease.
“Between now and the 30th, the government, hopefully aided by media, should advise LGUs, especially barangay officials on the dos and dont’s of this new animal called the GCQ or general community quarantine. Otherwise baka hapi hapi ulit and magkahawaan. Important to remember that we are only as strong as our weakest links.”babala ng senador.
Binanggit pa ng senador na maraming bansa ang nagluwag sa quarantine subalit nagsisisi ngayon dahil sa paglobo ng kaso ng nahawaan.
Kasabay nito ay sinuportahan ni Angara ang ginawang pagpapalawig ni Pangulong Duterte sa enhanced community quarantine sa Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon region at iba pang panig ng bansa.