Tiniyak ni San Juan Vice Mayor Janella Ejercito Estrada na ipagpapatuloy niya ang programa ni Mayor Guia Gomez sakaling mahalal na punong lungsod sa May 2019 midterm elections.
Sinabi ito ni Janella nang panumpain ang mga bagong miyembro ng Partido ng Masang Pilipino (PMP) at iparada ang mga kandidato ng partido noong Oktubre, sa FilOil Arena, San Juan. Aniya, kung may 7K programs ngayon si Mayor Gomez, itataas niya ito sa 10K kapag naupo nang alkalde ng lungsod.
“Hindi po mawawala ang programs ni Mayor Guia Gomez. Ang ating mga proyekto para sa kalinisan, katahimikan, kaunlaran, kabuhayan, kalusugan, kalikasan at kalinga sa pamilya. Ang 7K po ay ating ipagpapatuloy. Dadagdagan ko lang po ng tatlo pang K. Ito ay para sa kultura, karunungan at kaligtasan. Kaya ang 7K program ni Mayor Guia ay magiging 10K programs na po ng Team One San Juan,” diin ni Janella.
Sinabi pa ng anak ni dating Senador Jinggoy Estrada na wala nang dapat pang baguhin sa San Juan dahil sa maunlad na lungsod ito. Ang kailangan lamang ay pagbuklurin ang mamamayan upang maipagpatuloy ang pag-asenso ng siyudad.
“Nakalulungkot pong isipin na sa pagkaliit-liit ng San Juan ay tuluyan pa po itong pinaliit ng pagkakahati-hati. Magkakagrupo, magkakapitbahay, magkakaibigan, magkakamag-anak, magkakapamilya ay nagkakaalitan dahil sa mapaghiganting politika na pinaiiral ng ating katunggali,” diin ni Janella.
“Hindi po ako naniniwala na pagbabago lamang ang kailangang maging solusyon sa ating mga suliranin. Ang kailangan po natin ay tunay na pagkakaisa,”dagdag pa ng apo ni dating Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada.
Dating kaalyado ni Mayor Gomez ang mga Zamora subalit noong 2016 elections, kinalaban ni dating Vice-Mayor Francis Zamora si Gomez. Hindi matanggap ni Zamora ang pagkatalo kay Gomez kaya’t nagprotesta.
Makakalaban ni Janella sa pagka-alkalde ng San Juan si Francis, anak ni San Juan Rep. Ronaldo Zamora na minsang nagsilbi sa board ng Nickel Asia na ngayon ay pinamumunuan ng kapatid na si Manuel Zamora. Ang Nickel Asia ang isa sa pinakamalaking mining company sa bansa.
Aminado si Janella na hindi magiging madali ang laban niya kay Francis, pero kumpiyansa itong magagapi niya ito dahil sa maganda niyang track record sa serbisyo publiko.
“Hindi po madali ang laban na ito pero buong tapang po namin itong kakaharapin. Dahil higit sa lahat at kasama at kakampi namin kayong lahat,” saad ni Janella.
Ibinunyag din ni Janella ang motibasyon niya sa pagtakbo bilang alkalde ng San Juan.
“Ang motibasyon ko sa labang ito… ito ay ‘misyon hindi ambisyon’ upang tumulong na maiangat ang antas ng kabuhayan,” wika ni Janella