Hindi natiis ni dating Senador Jinggoy Estrada na hindi makasama ang mga overseas Filipino worker­ (OFW) nang ito’y bumisita sa Hong Kong noong nakaraang holiday season.

Kasama ni Jinggoy ang pamilya na nagbakasyon sa Hong Kong noong Disyembre 26. Naglaan siya ng quality time sa kanyang pamil­ya dahil alam niyang pagpasok ng taong 2019 ay lagare na naman siya sa serbisyo publiko at sa pag-iikot sa iba’t ibang panig ng bansa.

Pero noong dumating ang araw na nagtipon-tipon ang mga domestic helper sa Central District ng Hong Kong, dinalaw ni Jinggoy ang mga ito at inalam ang kanilang kalagayan.

Nagkaroon din siya ng pagkakataon na makapagsalita sa harap ng mga itinuturing na bagong bayani ng bansa.

Ayon kay Estrada, itutuloy niya ang pagtulong sa mga OFW dahil ito na ang naging pana­ta niya mula nang mahalal na senador noong 2004 election.
Naging chairman si Estrada ng Senate committee on labor, employment and human resource development at nakapagpasa ng siyam na landmark bill sa ikalawang termino noong 2010.

Ang mga batas na inakda ni Estrada ang siyang nagpalakas sa labor and constitutional rights ng mga manggagawa. Isinulong din niya ang pagbibigay ng proteksyon sa mga OFW.

Binanggit pa ni Jinggoy na noong nagkaroon ng problema ang mga OFW sa United Arab Emi­rates, Kuwait at Qatar at tumakas sa kanilang amo at pansamantalang nanuluyan sa mga shelter ng Philippine Overseas Labor Office (POLO), gumawa siya ng paraan para mapauwi ang marami sa kanila.

“Gumastos ako gamit ang sarili kong pera para mapauwi yung mga minaltratong OFW sa Dubai, Abu Dhabi, Kuwait at Qatar,” wika ni Jinggoy.

Mistula ding naging rockstar si Jinggoy sa pagharap sa mga OFW sa Hong Kong kung saan marami ang yumakap, nakipagkamay at nakipag-selfie sa dating senador.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

seven + 10 =