Ilang beses na  na nagsagawa ng mga earthquake drill sa Metro Manila at ilan pang lugar sa bansa, pero mas masusubok ang kahandaan natin at ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa nangyaring magkasunod na lindol nitong nakaraang Lunes at Martes.

Kung tutuusin , hindi pa talaga ubod nang lakas ang magnitude 6.1 na naramdaman sa Metro Manila at Central Luzon,  at 6.5-magnitude sa Eastern Samar. Kung pagbabasehan kasi ang nangyaring “the big one” noong 1990, aba’y 7.8 ang magnitude nito, na talaga namang puminsala ng maraming gusali at buhay, lalo na sa Baguio City.

At noong 2013, isang lindol na may lakas na magnitude 7.2 naman ang yumanig sa Bohol na kumitil din ng maraming buhay at nagpabagsak sa maraming lumang simbahan. Pero hindi naman iyong lubhang naramdaman ng mga tao sa Metro Manila.

Habang noong 2017, may naganap na magnitude 6.3 na lindol na sa Batangas ang epicenter pero hindi rin lubhang nagdulot ng pinsala. Sa naturang lindol, Intensity 4 lang (o lakas ng galaw) ang naramdaman sa ilang bahagi ng Metro Manila. Mahina pa ito kumpara sa Intensity 5 na naramdaman sa ilang lugar sa Metro Manila (tulad ng Quezon City at Manila), sa nangyaring lindol nitong Lunes na ang epicenter ay sa Zambales.

At hindi katulad noong 2017 na lindol na walang masyadong pinsalang naitala, ang lindol nitong nakaraang Lunes, bukod sa naramdaman ng maraming tao sa Metro Manila, nagpabagsak pa ito ng isang supermarket sa Porac, Pampanga, at kumitil ng nasa walong buhay. 

Pero kahit malayo pa sa kinatatakutang “the big one” ang nangyaring lindol nakaraang Lunes at Martes, magandang pagkakataon sa lahat, lalo na sa pamahalaan na masuri ang kahandaan kapag nangyari na muli ang malakas na lindol tulad noong 1990, at kung ang Metro Manila ang mapuruhan.

Obserbasyon ng ilan, baka kaya naging malaki ang pinsala ng lindol nilang Lunes sa Pampanga dahil sa kondisyon ng lupa sa malaking bahagi ng lalawigan na minsan natabunan ng lahar nang pumutok ang Mt. Pinatubo noon 1991. Aba’y mantakin mo kung gaano kalaking sakit ng ulo ang hinarap noon ng namayapang si dating Pangulong Cory Aquino dahil sa mga kalamidad.

Bukod sa mapaminsalang lindol noong 1990, at pagsabog ng Pinatubo sa sumunod na taon, kabi-kabila pang kudeta ang kaniyang hinarap. Pero sa kabila ng lahat, aba’y nalampasan iyon ni Cory at ng mga Pinoy, partikular ng mga taong direktang naapektuhan ng mga kalamidad.

Sa nangyaring lindol nitong Lunes, naapektuhan ang operasyon ng MRT at LRT dahil natural na kailangang itigil ang mga biyahe para masuri muna ang kung napinsala ang mga riles. Dahil hapon nangyari ang lindol, maraming pasahero ang napilitang mag-bus at naging pahirapan ang pag-uwi. Tanong, ng ating kurimaw, naging maaagap ba ang mga ahensiya at pribadong sektor upang magsagawa ng libreng sakay?

May gusali sa Porac na gumuho at may mga nakulong. Tanong, naging mabilis ba ang rescue operation? Naging mabilis din ang pagbibigay ng Phivolcs at iba pang ahensiya ng tamang impormasyon sa publiko at sa media para maiwasan ang panic?

Tama ba ang ginawang evacuation ng mga tanggapan sa kanilang mga tauhan? Nasuri ba ang mga gusali na maaaring napinsala ng lindol at baka magdulot ng panganib? Mabilis bang nakapagpadala ng mga tulong o relief sa mga taong inilikas sa kanilang mga bahay? Nakita ba agad ng mga tao ang mga kinauukulang opisyal ng mga departamento para umalalay sa mga napinsala at makapagbigay kaagad ng impormasyon sa pangulo?

Naapektuhan din ang operasyong ng Clark International Airport, ang tanong, papaano kung ang Ninoy Aquino International Airport ang mapinsala? Ano ang alternatibong plano? Papaano kung mawasak ang mga tulay at kalsada, paano maipadadala ang mga tulong? Paano kung mawalan ng kuryente at komunikasyon?

Sana nga eh may makuha tayong leksyon sa nangyaring mga lindol na ito para lalo pang mapaghandaan ang kinatatakung “the big one.” Ang kaso, baka makalimutan kaagad ng marami sa atin ang lindol dahil ang nasa utak nila eh ang showing ng “Avengers: Endgame.”

 Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

seventeen − 16 =