Kalayaan sa panahon ng pandemya

Mediaman

Ipinagdiwang po natin nakaraang Biyernes, June 12, ang ika-122 anibersaryo ng ating Kalayaan, isang mahalagang bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas.

Pero kakaiba po ang naging pagdiriwang ng mga Pilipino dahil sa dinaranas na sakripisyo dulot ng epekto ng COVID-19 sa bansa.

Kung dati po ay maraming tao ang dumadagsa sa Luneta para makibahagi sa selebrasyon ng Indepence Day, ngayon ay halos wala maliban lamang sa ilang opisyal dahil sa ipinatutupad na security protocols para makaiwas sa peligro ng COVID-19.

Sa ginanap pong pag-aalay ng bulaklak at pagtataas ng watawat sa bantayog ni Gat Jose Rizal sa Luneta, iilang opisyal lamang ang dumalo dahil limitado lamang sa sampu katao ang pinayagan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Pero magkagayonman, nanatili po sa puso at diwa ng mga Pilipino ang ipinakitang katapangan, sakripisyo at kabayanihan ng ating mga bayani para makamit ang demokrasya at kalayaan ng bansa mula sa mga dayuhang sumakop sa Pilipinas.

Sa naging mensahe po ni Pangulong Rodrigo Duterte, hinimok niya ang mga Pilipino na magkaisa para labanan ang COVID-19 gaya ng ipakitang katatagan, katapangan at lakas ng loob ng mga bayaning nakipaglaban sa mga sumakop sa bansa daan-daang taon na ang nakaraan.

Kung dati ay mga dayuhang mananakop ang kalaban ng mga Pilipino, ngayon ang kalaban ay ang mapanganib at mabagsik na coronavirus, isang uri ng kalaban na hindi nakikita at hindi alam kung saan at anong araw, minuto at segundo ito aatake sa mga tao.

Hangad po ng Pangulo at ng kanyang gobyerno na makalaya ang mga Pilipino sa pandemyang ito gaya ng paglaya ng ating mga ninuno mula sa pananakop ng mga dayuhan, at magagawa lamang ito kung magkakaisa ang taumbayan at sumunod sa mga ipinatutupad na polisiya ng gobyerno sa panahon ng community quarantine.

Magkaroon po sana tayo ng katatagan at lakas ng loob para malagpasan ang hamon ng COVID crisis at mapanatili ang kalusugan ng buong sa,bayanan.

Batid po natin kung gaano kabagsik ang COVID-19, patunay po dito ang record ng Department of Health kung saan mahigit 25,000 na mga kababayan natin ang tinamaan, mahigit isang libo ang hindi nakaligtas sa virus at 5,706 ang naka-recover, salamat po sa awa ng Diyos.

Patuloy po akong nananalig na makakabangon ang sambayanan at ang gobyerno sa mga pagsubok na ito ng COVID crisis at makawala sa takot at matinding pag-aalala ang ating mga kababayan.

Nasaksihan po nating lahat ang matinding pinsalang idinulot ng COVID pandemic sa buong mundo at maraming bansa ang nalugmok ang ekonomiya, marami ang binawian ng buhay at mas marami ang ngayon ay magdurusa dahil sa epekto nito sa sanlibutan.

Pero kung tayong mga Pilipino ay magkaisa at sabay-sabay na labanan ang pandemyang ito ay tiwala akong magtatagumpay tayo.

Simple lang po ang hinihingi ng gobyerno sa mga mamamayan, sumunod lang po sa mga ipinatutupad na polisiya gaya ng social distancing, manatili sa bahay at huwag lumabas kung wala rin lang mahalagang gagawin sa labas at palaging protektahan ang sarili sa pamamagitan ng pagsusuot ng face mask.

Kung masunod po ang mga ito, makakatulong kayo ng malaki sa ginagawang pagsisikap ng gobyerno laban sa COVID-19.

Alang-alang sa diwa ng Independence Day o Araw ng Kasarinlan, tularan po natin ang ipinakitang sakripisyo ng ating mga ninuno at mga bayani para makalaya ang bansa mula sa mapaniil na mga mananakop, pero sa pagkakataong ito, sa makabagong panahon kung saan ang kalaban ng mga Pilipino ay hindi mga armado kundi ang hindi nakikitang coronavirus.

Tulungan po natin ang gobyerno na makalaya sa pandemyang ito para muling makausad ang bansa tungo sa isang maunlad, matatag at malusog na Pilipinas.