Kulani

Sa buong katawan natin, mayroon tinatawag na lymphatic system, kung saan dumadaloy ang lymphatic fluid. May panahon na maaaring may makapa tayong mga maliliit na bukol sa ating mga singit, sa leeg, o kung minsan sa may kilikili. Halos kasing laki ng green peas o beans. Maaaring kumirot, o hindi, maaari ding lumaki o mawala. Kadalasan ang mga ito ay tinatawag na lymph nodes o kulani. Parang nakalipas na ECQ na may mga checkpoints, ang lymph nodes naman ang mga checkpoints ng katawan natin. Kung may impeksyon sa katawan, maging bacterial man o viral, mahaharang sa mga lymph nodes ang mga lymphocytes na bahagi ng mga white blood cells sa dugo. Naiipon ang mga lymphocytes sa lymph nodes kung kaya’t lumalaki hanggang sa makapa na. Mayroon ding mga kulani na hindi natin makakapa dahil ito ay nasa ating tiyan, bituka, at baga.

Madalas ay inoobserbahan lamang ang mga ito dahil kusang nawawala, lalo na kung gumagaling na sa anumang kundisyong pinagmulan, mapaimpeksyon o kahit stress. Ngunit kung sakaling ito’y biglaang makapa ng walang kaakibat na ibang sintomas, o di kaya’y tuloy tuloy ang paglaki, hindi nawawala makalipas ang dalawa hanggang apat na linggo, at medyo matigas at di magalaw, ito ay dapat nang ipasuri sa inyong doktor. Kailangan lamang mapatunayan na ang bukol na ito ay hindi mula sa mga grabeng karamdaman gaya ng HIV; kanser, tulad ng lymphoma; at lupus.

Bago natin katakutan ang mga kulani, magandang ayusin muna natin ang daloy ng lymphatic drainage natin at matanggal ang mga toxins sa katawan. Kabilang dito ay: 1. Magehersisyo ng regular. 2. Maligo ng regular, maaaring pag salitan ang mainit at malamig na shower. Ang mainit ay nagpapalaki ng kalibre ng mga ugat natin, ang malamig naman ay nagpapaliit naman, nagmimistulang parang pump. 3. Uminom ng malinis na tubig, kahit humigit pa sa dalawang litro lalo na sa mainit na panahon. 4. Huwag magsuot ng masisikip na damit ng makakilos tayo ng mabuti at hindi maipit ang lymphatic system natin. 5. Huminga ng malalim, maaaring gawin ang deep breathing exercises nang gumanda ang hangin sa ating baga. 6. I-brush ang balat paikot ng mga 10 minuto, maaaring isabay ito sa pagligo. 7. Kumain ng mga pagkaing nagpapaganda ng daloy ng lymph natin tulad ng, madahong gulay, mga prutas na mababa ang asukal, (gaya ng avocado), mga seeds na chia seeds at flaxseeds, mga nuts na brazil nuts, almonds, at walnuts, mga cranberries at pati na bawang. 8. Iwasan naman ang mga processed food, artificial na pangmatamis, asukal at masyadong maaalat na pagkain. 9. Uminom ng mga herbal tea, 10. At maaaring gamitin ang mga alternatibng medisina na marerekomenda sa inyo.

Hindi lahat ng bukol sa katawan natin ay masama, madami dito ay para protektahan ang katawan natin.

Hanggang sa susunod! Keep healthy! Stay safe!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing lingo 11am-12nn). Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.