Spy on the Job
Naaawa ang ating mga tropapips sa mga kawani ng Department of Health at mga health workers na hindi na magkandaugaga sa pagharap sa problema ng COVID-19. Ang ang iba nga sa kanila eh nagkakasakit na at may namamatay pa; habang ang kanilang pinuno na si Secretary Francisco Duque III, kabi-kabila ang kapalpakan at kontrobersiyang kinasasangkutan.
Pero bago ‘yan, parang kasabihan na sa hinaba-haba ng kandila eh sa kuryente pa rin ang tuloy ng mga kurimaw nating na-hopia at umasang bababa kahit gahibla ng buhok ang kanilang May electric shocker na billing. Pero ang nangyari, na-high blood na naman sila sa inis.
Matapos kasing utusan ng Energy Regulatory Commission ang Meralco na muling magsagawa ng komputasyon at actual meter reading para sa Mayo, ang nangyari, tila pinanindigan lang ng Meralco ang kanilang naunang billing. Ang ilan nating kurimaw, nagsabing hindi nagbago ang singil sa kanila ng Meralco. Ang kaibahan lang ngayon eh nakasaad na kung magkano ang babayaran nila sa loob ng apat na buwan na pagkakabiyak sa nakaka-high blood na May billing, na binibigyan katwiran pa rin ang full ECQ impact kuno.
Pero lilinawin lang natin mga tropapips, hindi natin alam kung maging sa iba eh hindi rin nagkaroon ng pagbabago sa kanilang May billing. Dahil ang lumilitaw kasi sa ipinadalang bagong (lumang) May billing, eh batay pa rin sa “assumption” ng March at April billing mula naman sa nakalipas na tatlong buwan (Disyembre, Enero at Pebrero), at ang May (na dapat sa actual meter reading), hindi malaman ng ating mga kurimaw kung papaano nakuha ng Meralco.
Sabagay mga tropapips, sinabi natin noon na huwag umasang babaguhin ng Meralco ang kanilang May billing dahil kapag ginawa nila iyon at lalabas na inamin nila na nagkaroon sila ng pagkakamali. Bukod doon, alam nila wala naman tayong magagawa dahil kung hindi tayo magbabayad eh “cutter” lang ang katapat ng metro mo.
Samantala, balik na tayo sa DOH mga tropapips. Sana lang eh hindi nasisira ang morale at huwag mawala ang dedikasyon ng mga kawani ng DOH at mga health worker sa pagtulong sa mga pasyente ng COVID-19 dahil sa mga “kapalpakang” kinasasangkutan ng kanilang lider na si Duque.
Aba’y hindi biro mga tropapips ang pinakabagong “missteps” ni Duque nang ibato niya ang sisi at ipahiya ang kaniyang mga tauhan sa harap mismo ni Pangulong Mayor Digong Duterte tungkol sa mga benepisyong hindi agad naibigay sa mga medical health workers na nasawi at matinding tinamaan ng COVID-19.
Mantakin mo na kung hindi pa iniutos ng Punong Ehekutibo eh hindi maibibigay ang mga benepisyo. Ang lalong nakakadismaya, kitang-kita na iniligtas ni Duque ang sarili at inilaglag ang mga tauhan niya. Bago ‘yan, sumabit na rin si Duque sa ilan pa niyang nakalilitong mga pahayag niya tulad nang hindi raw nakakahawa ang mga COVID-19 possitive na walang sintomas, na nararanasan na raw ng bansa ang “second wave” ng virus, ang pagbabago sa patakaran ng pagsusuot ng face mask at maging ang pag-spray ng disinfectant at iba pa.
Pero sakabila ng lahat, maliban pa sa alegasyon ng overpricing sa mga PPEs at test kits, aba’y hindi pa rin natitinag ang kalihim sa kaniyang puwesto. Kahit pa nagpasa ng resolusyon ang Senado na humihingi na ng kaniyang pagbibitiw dahil sa palpak na pagtugon sa COVID-19 kahit sa simula pa lang nang pumutok ang problema ng virus. Hindi ba’t nang may magmungkahi noon na higpitan na ang pagpasok dito ng mga Tsino para mapigilan ang pagpasok ng virus eh kinontra niya dahil hindi raw magandang i-single out ang China?
Kaya kung noon una eh patak-patak lang mga tsong ang resulta ng COVID-19, ngayon ay lampas 20,000 na ang positive cases matapos na bumuhos na ang resulta ng tests na kung ilang linggong natengga. Nangyari ‘yan kung kailan ilagay na mas maluwag na general community quarantine ang Metro Manila—na siyang may pinakamaraming kaso sa bansa.
Kaya habang nasa DOH si Duque, sana lang eh huwag magprotesta o masira ang morale ng mga kawani ng kagawaran at maging ang mga health worker; lalo na kapag nasangkot na naman ito sa kontrobersiya. At sa ating mga tropapips, kapit pa. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”