Mula sa Mindanao at Visayas, lumawak na sa Luzon ang sinimulang Malasakit Center ng Duterte Administration para sa mga mahihirap.
Matapos pasinayaan ang Malasakit Center kamakalawa sa Lung Center of the Philippines ay magkakaroon na rin ng Malasakit Center ang mga Batangueño.
Pinangunahan ni dating Special Assistant to the President (SAP) Christopher ‘Bong’ Go ang launching ng ika-20 Malasakit Center sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Alas-11:00 kaninang umaga ay pormal na binuksan ni SAP Bong ang Malasakit Center sa Batangas Provincial Hospital sa bayan ng Lemery na inaasahang magpapabilis at magpapagaan sa proseso ng pagpapagamot lalo na ng mga mahihirap na pasyente.
Ang Malasakit Center ang magsisilbing one-stop center sa mga magpapagamot at hihingi ng assistance sa mga ahensiya ng gobyerno kung saan pagsasama-samahin sa iisang tanggapan ang mga kinatawan ng Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), PhilHealth, Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Zero bill sa pasyente
“Ito po ‘yung gusto ko, palawakin o palakasin ‘yung Malasakit Center kasi alam ko napakaraming nangangailangan sa pagpapagamot at saka libreng gamot.
Sabi nga nu’ng isang nakausap ko hindi na raw niya ma-sustain iyong pagpapagamot. Nakakalungkot, so tutulungan po naming lahat hanggang kaya naming tulungan,”ani Go.
“Let’s say ang PCSO may limit ‘yung subsidy nila. Pero kami hanggang dulo at ‘yun ang gagawin ng Malasakit Center,” dagdag ni Go.
Paliwanag ng dating SAP, kapag napagsama-sama lahat ang nalikom na tulong mula sa PhilHealth, Pagcor, DSWD at PCSO at may maiiwan pa ring bayarin, dito na papasok sa eksena ang Malasakit Center para takpan ito at maging zero bill.
Nagsimula ang Malasakit Center sa Davao City sa pangunguna nina Pangulong Rodrigo Duterte at SAP Bong matapos makita sa kanilang pag-iikot ang kaawa-awang sitwasyon ng mga mahihirap sa pagamutan.
Matapos ang Batangas ay inaasahang susunod na magkakaroon ang Surigao at iba pang bahagi ng bansa.
Sinabi ni Go na sakaling palaring maluklok sa Senado ay kabilang sa mga unang isusulong nito ang pagsasabatas sa Malasakit Center para masigurong mapaglalaanan ito ng regular na pondo ng pamahalaan.
Sa ilalim ng programa, tutulungan ng center ang mga pasyenteng nangangailangan ng suportang medikal na mabilis na makakuha ng financial assistance sa PCSO, Pagcor, DSWD.
Sinabi ni Go na malaki ang matitipid ng pasyente ‘pag pinagsama ang mga makukuhang tulong mula sa nasabing mga ahensiya.
Mas mainam sana aniya kung wala nang gagastusin pa ang mga pasyente para bawas stress sa kanilang isipan.
***
Umaayuda sa pinakamahirap na residente
Inihayag ni Go na ang Malasakit Center ay inilunsad para umayuda sa iba’t ibang pangangailangan ng mga pinakamahirap na residente ng mga probinsya.
Nabanggit ni Go sa paglulunsad kamakailan ng Malasakit Center sa Legazpi City sa Bicol na ito ang pang-15 Malasakit Center sa bansa na itinayo ni Go simula nang umpisahan niya ang nasabing proyekto noong nakaraang taon.
Nangako rin si Go na kabilang sa mga prayoridad niyang lugar ang Bicol dahil madalas itong hagupitin ng mga kalamidad tulad ng bagyo, lindol, landslide at iba pa.
Positibo si Go na mas marami ang matutulungan ng programa dahil naglaan umano si Pangulong Rodrigo Duterte ng buwanang P100 milyong subsidiya sa Philippine General Hospital (PGH) para sa libreng serbisyong medikal at libreng gamot.
***
Unang Malasakit Center sa Vicente Sotto Memorial Medical Center
Unang binuksan ni Go ang Malasakit Center sa Visayas sa Vicente Sotto Memorial Medical Center, Saint Anthony Mother at Child Hospital, Talisay District Hospital at Eversley Hospital sa Cebu, at Gallares Hospital at Del Valle Hospital naman sa Bohol.
Nagtayo rin si Go ng Malasakit Center sa Western Visayas Medical Center sa Iloilo City at ang Eastern Visayas Regional Medical Center sa Tacloban City.
Mayroon ding isa sa Davao City at sa loob mismo ng Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila.
Kabilang ang Laguna sa hanay ng mga malalaking lalawigan sa bansa kaya dapat aniyang tiyakin na matutugunan ang problema sa kalusugan ng mga residente rito.