Kung ang ulo ng artikulong ito lamang ang babasahin ninyo, malamang maiisip ninyo na ito ay tungkol sa mga politiko natin at mga nakaupo sa gobyerno. Bagama’t lubos na maiintindihan ko kung bakit ganun ang maiisip ninyo, hindi po tungkol sa kanila ito. Ang tinutukoy ko ngayon ay ang mga taong tila nasisiyahan sa sitwasyon natin sa pagputok ng Bulkang Taal.
Totoong masaklap at nakakalungkot ang dulot ng kalikasan sa atin, ngunit kapag inisip natin, ito ay isang pangyayaring natural na wala sa ating mga kamay ang sanhi o ang solusyon. Higit na nakakalungkot ay ang mga tao na hindi na nga nakakatulong sa problema ay nakakaperwisyo pa.
Nu’ng mapabalita ang pangangailan ng face mask na N95 kung tawagin ang uri nito, sinasabi na ang dating P20 ang isa ay madaling umabot ng P500 bawa’t isa. Naiintindihan ko ang tinatawag na law of supply and demand kung saan tumataas ang halaga ng isang bagay habang tumataas ang pangangailangan dito o bumababa ang supply nito. Nguni’t ang sitwasyon ngayon ay isang kalamidad—isang emerhensiya—kung saan ang labis at hindi makatuwirang pagtataas ng presyo ng mga mahahalagang pangangailangan ay itinuturing na ‘profiteering’ na labag sa pampublikong patakaran.
Pero, panandalian nating kalimutan at huwag na isaalang-alang ang batas sapagka’t marahil marami ang hindi nakakaalam ng ganitong batas. Hindi ba natural na tayo ay magtulungan sa harap ng krisis o kagipitan? Hindi ba dapat ang mga may pagkakataon na tumulong ay dapat tumulong kaysa magdagdag ng suliranin? Marami sa mga nagtitinda ng N95 face mask ay biglang nagtaas ng presyo, maski na ang kanilang binebenta ay nabili sa lumang presyo.
Hindi ko sinasabi na ipamigay nila ang mga paninda nila—na sa isang banda ay puwede rin—palagay ko, ang pinaka-matinong puwede nilang ginawa ay ibenta ang face mask sa normal na presyo at hindi magsamantala sa situwasyon.
Mayroon ding mga tao na—sapagka’t sila ay hindi apektado at maraming oras na puwedeng gugulin—walang inatupag kung hindi ang magpakalat ng maling impormasyon, kung bakit hindi ko rin alam. Marami ang mga pinapadala sa social media na mga kalokohan na ang layunin ay magpatawa. Sa ganang akin, maaring palagpasin ang mga ganito sapagka’t hindi maitim ang layunin nito, nguni’t sana din ay maging maingat din ang mga nagpapadala nito at isaalang-alang ang damdamin ng mga apektado ng kalamidad. Maari na rin patawarin ang mga walang malay na nagpapasa ng maling kaalaman, pero nararapat na sila ay maging mapanuri sa kanilang mga ikinakalat. Nguni’t para sa akin, wala akong makitang dahilan para sa ginagawa ng iba na tuwirang gumagawa ng maling impormasyon. Ano ang kanilang napapala sa pagbibigay ng mapalinlang na impormasyon?
Nu’ng ako ay bata, lagi kong naririnig sa mga matatanda na mayroong may balat sa amin kapag may kamalasan o pagkabigo na nagaganap. Dito sa Pilipinas, sunod-sunod ang ating mga kalamidad, mula sa mga lindol sa Mindanao, sa bagyong Ursula noong Disyembre sa Visayas, at, ngayon, at pagputok ng Taal. Meron po kayang may balat?