Nagsagawa ang Local Government Unit (LGU) ng Navotas City ng business forum, para maengganyo ang mga negosyante na mabatid ang halaga at kabuluhan ng kanilang mga pagsisikap.
Ang Business Forum, na may temang ‘From Success to Significance,’ ay dinaluhan ng 360 na mga may-ari at manager ng small, medium at large enterprises sa Navotas.
“Natutuklasan na ng business at corporate world ngayon na hindi tagumpay ang pinaka-layunin nila,” ani Alvin Barcelona, professional motivational at inspirational speaker.
“May hihigit pa sa tagumpay. May hihigit pa sa paglago ng negosyo.
At ito ay ang pagiging makabuluhan sa iba, ang pagkakaroon ng impact sa komunidad,” dagdag niya.
Samantala, ibinahagi ni Mayor John Rey Tiangco ang mga nakamit at mga kasalukuyang proyekto at programa ng pamahalaang lungsod.
Sinabi niya na ipinapatayo na sa Navotas ang dalawang dagdag na technical-vocational training center; ang crematorium, columbarium at funeral chapel; ang medical hub; ang dagdag na housing project; at ang extension ng Navotas City Hospital.
Nabanggit din niya na magkakaroon na ang lungsod ng fiber optic CCTVs, karagdagang solar streetlights, city-wide free wi-fi, tour bus para sa mga mag-aaral, mga fiberglass boats para sa mga rehistradong mangingisda, at iba pa.
“Dahil sa mga buwis na tapat ninyong binabayaran, nagawa namin ang mga proyekto at programang ito para matugunan ang mga pangangailangan ng bawat Navoteño. Bilang ganti, sinisikap naming gamitin nang tama ang pondo ng bayan at ibigay sa inyo ang mas magandang serbisyo,” ani Tiangco.
Nagpahayag din ng pasasalamat si Lone District Representative Toby Tiangco sa mga kalahok.
Aniya, dahil sa kanilang suporta kaya patuloy na napapataas ng pamahalaang lungsod ang antas ng buhay ng mga Navoteño.
Kasama sa business forum ang open forum kung saan sinagot ng mga panelists na sina Tiangco at City Business Permits and Licensing Officer Marita Trinidad ang mga tanong ng mga kalahok.
Inilahad din ni Trinidad, na nagsisilbi ring Local Economic Investment Promotion Officer, ang Business One Stop Shop Program ng Navotas at ang Ease of Doing Business Act of 2018.
Isinasagawa ng Navotas ang business forum taon-taon para maitaguyod ang patuloy na pag-unlad ng business sector, at maisulong ang magandang relasyon ng mga negosyante sa lungsod. (Orlan Linde)