Alam mo, Dondon, hindi ako magtataka kung after ng Luzon-wide enhanced community quarantine dahil sa COVID-19 ay mas marami pang mga artista ang magkaroon ng sariling online cooking show.
Dahil nga sa lockdown at hindi makalabas sa kani-kanilang bahay, marami sa kanila na ang pagluluto ang pinagkakaabalahan.
Marami naman sa kanila ang nagpo-post sa social media accounts nila ng tungkol doon.
Si Ruffa Gutierrez, habang ka-chat ko noong isang araw, nagsabing magluluto raw siya.
Siyempre, nagulat ako. Aba, ni hindi nga yata marunong magluto ng sunny side-up (egg) si Ruffa, huh!
Noong nag-guest siya sa Mars Pa More ng GMA 7, kailangan niyang magluto at tinuruan ko siya ng healthy omelet recipe, pero ni hindi niya nasunod ang steps, kaya hindi bonggang lumabas ‘yon, pero kinain pa rin naman ng mga nasa studio dahil masarap naman daw.
Anyway, sabi niya, “Well, I’m about to cook. Good luck to me! Trying for the first time to cook for Lorin and Venice. Hahaha!”
Sabi pa niya, “I’m following Gordon Ramsey online!”
Akala ko naman ay complicated dish ang lulutuin niya at medyo mahirap, ‘yon pala, steak at salad lang ang gagawin niya, huh!
Anyway, bukod sa pagluluto ng mga napakadaling dishes naman, madalas din na mag-Bible study with friends si Ruffa.
Pero siyempre, katulad ng mga mass ngayong lockdown sa buong Luzon, online na lang ang Bible study ng group nila.
***
Regine, Ogie gumawa ng video para sa ‘ASAP Natin ‘To’
Kahapon ay kausap ko si Ogie Alcasid sa pamamagitan ng Viber.
Siyempre, ang misis niyang si Regine Velasquez-Alcasid na magaling magluto ang cook nila ngayon sa bahay.
Tumutulong kay Regine ang anak nilang si Nate, pati ang panganay niyang si Leila Alcasid na nakatira sa kanila.
Wala raw kasi silang household help. Bale driver at boy lang, so, sila-sila ang nagtutulong sa gawaing bahay. Lahat sila ay naglilinis.
Kung si Regine ang nagluluto, siya naman daw ang naglo-laundry.
Kapag wala naman daw silang ginagawa, panay ang kantahan nila. Natural lang naman ‘yon dahil pare-pareho silang magagaling kumanta.
Siyempre, si Nate, nagmana rin sa kanila. Si Leila naman, professional singer na rin.
Pero may work na rin naman daw sila for ASAP Natin ‘To.
“Kasi we shoot our videos,” sabi ni Ogie.
Well, at least, may ginagawa sila kahit nasa bahay lang, huh!
***
Jeron, Jeric Teng natutong magluto
Ang magkapatid na basketbolistang sina Jeric at Jeron Teng, natututo na ring magluto dahil “lockdown” nga sila sa bahay. Si Jeron, noon pa nagluluto ng steak, pero si Jeric, hindi ko pa nakitang magluto, pero kahapon, tumulong siya sa pagluluto ng lunch nila.
Sabi ni Jeric, “Tumulong lang sa paghalo-halo ng niluluto. Hindi naman ako ‘yung nagluto na mag-isa!”
Pero bukod doon, parehong abala rin ang magkapatid na basketbolista sa pag-e-exercise sa bahay. ‘Yon ang isa sa pinagkakabalahan nila.
Gusto rin kasi nila na physically fit pa rin sila once na mag-resume na ang practice ng kani-kanilang team.
Si Jeric ay naglalaro for Pasig Sta. Lucia Realtors team sa MPBL (Maharlika Pilipinas Basketball League) na basketball league ni Senator Manny Pacquiao at si Jeron naman ay kasali sa Alaska Aces sa PBA.