Bukod sa live episode on Sunday ng “ASAP Natin ‘To” na ipalalabas sa Kapamilya Channel sa cable at iba pang outlets ng ABS-CBN (habang wala pa ang Channel 2 nila dahil hindi pa approved ang franchise renewal), may taping din sila on June 12 and 13.
Portion-portion ang ite-tape nila at pagsasamahin na lang sa editing.
May protocols na susundin dahil nga sa tinatawag na new normal na may kinalaman sa COVID-19 pandemic.
Of course, bawas ang mga tao. ‘Yung mga importante lang daw talaga na kasama.
Ipatutupad ang social distancing, so hindi puwede ‘yung magpapalipat-lipat ng dressing room.
May rapid tests din daw na isasagawa before and after each taping at sa live rin nila on Sunday para siguradong safe sa virus ang mga kasama sa show.
May mga kasama sa show na dahil malayo ang bahay, magtse-check-in na lang sa isang hotel na malapit sa ABS-CBN compound.
Pero ang mag-asawang Ogie at Regine Alcasid, uwian daw.
After each taping day, uuwi sila sa bahay nila na hindi naman ganoon kalayo sa Kapamilya network compound.
Nang makatsikahan ko si Ogie, naikuwentong four episodes ang gagawin niya.
Ilang taga-“ASAP Natin ‘To” ang nakatsikahan ko na nagsabing sobrang excited sila sa pagsu-show uli!
Actually, ang mga fan, excited na rin sa pagbabalik ng nasabing Sunday musical show.
Social distancing pinairal sa Eat Bulaga
Ka-chat ko naman si Ms. Malou Choa-Fagar, isa sa big bosses ng TAPE, Inc. na producer ng “Eat Bulaga” na nag-live show na uli noong Monday.
Tinanong ko si Tita Malou kung bakit sa bahay lang nag-host sina Vic Sotto, Joey de Leon, Pia Guanio, Ryzza Mae Dizon, Allan K, Ryan Agoncillo, at Baste. At sina Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros, Alden Richards at Maine Mendoza ang nasa studio?
“Hindi pa lahat sa studio, para may social distancing. Ayaw pa nga nila na lahat sila sa studio dahil doon,” sey ni Tita Malou.
Jinky Oda bongga ang buhay sa US
Speaking of “Eat Bulaga”, hindi makalimutan ng komedyanang si Jinky Oda o mas kilala bilang Bale (dahil sa role niya noon sa Okay Ka, Fairy Ko!) na na-penetrate niya ang showbiz dahil sa nasabing noontime show.
Naging contestant lang siya noon sa “Eat Bulaga” at napasali na sa “Bulagaan” portion.
Based na ngayon sa Daly City, California si Jinky dahil na-petition siya ng anak na si Ryckllan na 25 years old na at may apo na rin siya, si Aviana, 10 months old.
Green card holder na si Jinky at masaya siya sa kanyang buhay bilang activity director sa isang facility ng mga elder.
Nagkita kami ni Jinky nang magbakasyon siya sa Los Angeles, California at maimbitahan siyang mag-lunch ng dating aktor na si Edgar Mande at ng fiancé nito na sa Ramona Fabie sa bahay ng mga ito sa Studio City.
Sabi ni Jinky, sobrang saya siya kapag may mga nakikitang dating kasamahan sa showbiz.
Ikukuwento ni Jinky ang buhay niya ngayon sa Amerika sa exclusive interview ko sa kanya sa “Anything Goes” sa Facebook page ng Abante News Online at sa “Anything Goes with Jun Lalin” YouTube channel mamayang 2:00PM.