Pinaalalahanan ng isang Konsehal ng Makati ang mga miyembro ng oposisyon sa Sangguniang Panlungsod na habang pinatatagal nila ang pagpasa sa 2019 executive budget ng lungsod ay hindi rin maaa­ring ma-aprubahan ang budget ng 33 barangay at Sangguniang Kabataan (SK) ng Makati.

Sinabi ni Councilor Armand Padilla, Presidente ng Liga ng mga Barangay, na dahil sa patuloy na pagharang sa budget ng labindalawang Konsehal na bumubuo ng opposition bloc sa Konseho, nadadamay ang mga nakaplanong programa at proyekto ng mga Barangay at SK para sa ikabubuti ng mga residente at kabataan sa lungsod.

Hinikayat ni Padilla ang mga nasa mayorya na isantabi muna ang politika upang kaagad nang maipasa ang Appropriation Ordinance para sa 2019 budget, kung saan nakasalalay ang kapa­kanan ng mamamayan ng Makati.

Diin pa ng opisyal, hangga’t hindi naaaprubahan ang budget ng lungsod, walang ibang paksa na maaaring talakayin sa session, batay sa Section 323 ng Local Government Code of 1991. Ibig sabihin nito, hindi matatalakay ng Sangguniang Panlungsod ang mga budget ng barangay at SK hanggang sa tuluyang maipasa ang Appropriation Ordinance.

Sa kasalukuyan, ang mga barangay ay kinakailangang gumamit muna ng reenacted budget, kung saan limitado ang maaari nilang puwedeng pagkagastusan sa mga sahod ng mga dati nang posisyon, statutory and contractual obligation, at mga pangunahing operating expenses na kabilang sa awtorisado sa reenacted budget.

Tinatayang aabot sa P1.7 bilyon ang pinagsamang mga panukalang budget ng 33 na mga barangay para sa taong 2019.

Nanawagan din si Councilor Rodolfo San Pedro, Jr., Chairman ng SK Federation ng Makati sa mga miyembro ng oposisyon sa Konseho.

Aniya, nakikiusap ang SK Federa­tion sa opposition bloc ng Sangguniang Panlungsod na ipasa na ang city budget sa lalong madaling paanahon. Dagdag pa ni San Pedro, huwag sana nilang hayaang masayang ang panahon at pagsusumikap nilang makabuo ng mga makabago at mahusay na mga proyekto para sa mga kapwa nilang kabataan sa Makati.

Bukod sa mga sahod, mga benepisyo ng empleyado, at utility, ang bawat barangay budget ay kinapapalooban ng mga proyektong nakabase sa kanilang aprubadong Barangay Development Plan. Kabilang sa mga ito ang weight monitoring and feeding for children, dengue prevention, capability-building for environmental police, clean-and-green initiatives, barangay outpost, at pagbili ng mga bisikleta, tribike, CCTV camera, fire extinguisher at iba pang kagamitan para sa kahandaan laban sa mga kalamidad, at iba pang mga proyektong nagsusulong ng kalusugan, kaligtasan at kaayusan sa mga komunidad.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

11 + 3 =