Multo nangalabit sa mga empleyado

Mga ka-Misteryo nakaranas na ba kayong kalabitin ng multo?

Yan ang ating paksa ngayon: “Basta may Misteryo, Alamin ang Totoo!”

Panggabi sa opisina sina Faustino at Roilo ng Pasay kaya’t hindi maiwasan na sila ang mapag-tripan ng mga gunagalang kaluluwa.

Isang gabing naidlip sa kanyang puwesto si Faustino nang bigla siyang magising sa malakas na kalabit sa kanyang tagiliran. Inusisa ng #Misteryo ang kanyang karanasan.

Misteryo: “Anong pakiramdam ng kalabit? Solido ba ang dating hindi lang hangin?”

Faustino: “Naku Oo akala ko nga may dumaan na kasabay ko sa duty pero paglingon ko wala naman.”

Misteryo: “Ito ba ang unang pagkakataon na naranasan mo yun? O baka May karanasan ka na mula pagkabata?”

Faustino: “Ngayon ko lang naranasan yun pero ok nga eh kasi ginising nya ako para balik-trabaho ako kasi nga nakaidlip ako.”

Ganito rin ang karanasan ng kanyang katrabaho na si Roilo nang kalabitin din siya nang masandal sa upuan at makaidlip.

Misteryo: “Paano nangyari yun? Ano ba ang ginagawa mo?”

Roilo: “Naghahanda ako para sa presentation ko ng aking project kaso nakaidlip ako nang sumandal ako then maya-maya may kumalabit sa akin kaya nagulat ako.”

Misteryo: “Baka naman katrabaho mo at biniro ka lang sabay nagtago.”

Roilo: “Imposible kasi ilan lang kami sa shift ko at nung mangyari yun may binili sila sa labas ng opisina kaya’t ako lang naiwan.”

Misteryo: “Minsan mo lang ba naranasan ito?”

Roilo: “Oo ngayon lang sa tagal ko ng empleyado sa kumpanya namin. Nagpasalamat ako kung multo man siya kasi kailangan ko tapusin ang ginagawa ko.

Kayo mga ka-Misteryo may ganito ba kayong karanasan? Mag-email sa misteryophilnet@gmail.com. Bisitahin ang www.reytsibayan.com at Abante.com.ph