Mula Hunyo 1, inilagay na sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila, Davao City, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Pangasinan, at Albay. Ang natitirang bahagi ng bansa ay ibinaba sa modified general community quarantine(MGCQ).

Sa MGCQ, pinapayagan na ang pagbubukas negosyo maging ng mga entertainment, sports facilities, at personal care services. Samantala, ang tourismo ay binuksan na rin sa kondisyong 50% lang ng kapasidad. Sa mga lugar ng GCQ tulad ng Metro Manila, mismong DTI ang nagsabing aabot sa 70% ng mga aktibong negosyo at industriya ang nag-umpisang gumalaw sa pagpasok ng Hunyo.

Kaya hindi nakapagtatakang milyun-milyon mga kababayan ang nagsilabasan ng bahay sa unang linggo ng Hunyo para gampanan ang kanilang mga trabaho sa opisina at pagawaan. Labing-isang linggo rin silang walang kinita habang nakakulong sa bahay.

Sa kabila nito, limitado ang pinayagan ng DoTr na sasakyang pampubliko. Pinalabas ang mga tren ng LRT, MRT at PNR ngunit bawas ang maisasakay ng mga eto dahil sa physical distancing; hindi puedeng magsiksikan ang mga pasehero. Naglagay ng 90 bus pero bilang suporta lamang sa mga aapaw na pasahero ng MRT.

Sa mga hindi dinadaanan ng tren, pinayagan ng LTFRB ang 27,000+ na taxi at TNVS. Puede rin gamitin ang mga motorsiklo at bisikleta pero bawal ang mag-angkas. Nakapagtataka na hindi pinayagan ang mga bus at jeepney na may kakayahang magsakay ng maramihan.

Ang resulta? Bumaha, umapaw ang mga mananakay sa kahabaan ng Commonwealth Avenue hanggang sa Novaliches at Bulacan. Ganoon din ang naranasan ng mga pasahero galing Rizal province na papasok sa trabaho sa Metro Manila. Naglipana ang mga naglalakad ng kilo-kilometro para makarating sa trabaho. Libu-libo ang mga stranded na walang masakyan. Kinailangan palabasin ang mga truck ng militar upang tulungang hakutin ang mga pasahero sa kalsada.

Samantala, marami ang gumamit ng kanilang mga motor at bisikleta. Bago pa man dumating sa GCQ, nagkaroon ng mga panawagan na gamitin ang bisikleta bilang transportasyon, kaya marami ang nagsibilihan noong mga huling araw ng Mayo.

Naging malakas ang panawagan na alisin ang pagbabawal sa angkas, lalo na kung eto ay asawa, kapatid o kasama sa iisang bahay. Sayang ang mga motor at bisikleta kung iisa lamang ang sakay nito, lalo na’t kitang-kita ang kakulangan ng mass transportation.

Igiiniit ng DILG Secretary Eduardo Ano ang pagbabawal sa angkas, at sa halip ay nagmungkahi na maglagay ng sidecar para makapagsakay. Sinegundahan naman eto ni Spokesperson Harry Roque sa pagsasabing papayagan na ang mga tricycle sa pangunahing lansangan.

Hindi naman eto kinagat ng motorcycle riders at mga siklista. Malinaw na may mga batas at regulasyon na nagbabawal sa tricycle sa national roads. May LTO violation kapag ang rehistradong motorsiklo ay masisita sa checkpoint na may sidecar. Binubuksan nito ang pinto para lumabas ang mga tricycle at pedicab sa EDSA, Commonwealth Ave, Macapagal Ave, Roxas Blvd at iba pa na maglalagay sa panganib sa lahat.

Binawi naman ni Sec Roque ang pahayag pagkatapos etong mapaliwanagan, pero nanindigan si Sec Ano sa kanyang suhestiyon.

Samantala, paano na ang mga ordinaryong mamamayan na gusto lamang pumasok sa trabaho at kumita?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

four × three =