NAKATAKDA nang magpakawala ng tubig ang National Irrigation Administration (NIA)para sa irigasyon ng libo-libong hektaryang bukirin sa dalawang lalawigan sa Central Luzon, ang Bulacan at ilang bahagi ng Pampanga simula sa darating na huwebes, Enero 10 at tatagal ito ng apat na buwan.
Ito ang ipinahayag ni Larry Ballesteros, NIA Bulacan manager at tatagal ang pagpapakawala ng irrigation water para sa mga bukirin hanggang sa Mayo 15 at unang-unang mabibiyaan ng tubig-irigasyon ang mga lupang sakahan malapit sa Bustos Dam.
Tinatayang aabot sa 26,000 hektaryang farmland ang masusuplayan ng tubig na pakakakawalan ng NIA sa kanilang irrigation canal at unang dadaluyan nito ang munisipalidad ng Bustos patungo sa mga farmland sa iba pang bahagi ng Bulacan at gayundin sa Pampanga.
Nabatid na ang mga lupang sakahan sa dulong bahagi ng NIA irrigation canal ay inaasahang magsisimula nang maghanda para sa kanilang pagtatanim sa susunod na buwan at napapanahon ang pagpapakawala ng tubig-irigasyon ng NIA para sa kanilang pagtatanim ng palay sa Pebrero.