Nagmamantika sa pork barrel ang inaprubahang panukala ng Kamara na P1.5 trillion stimulus package na layuning makalikha ng trabaho para sa mga manggagawa na apektado ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay House Minority Floor Leader France Castro, ang House Bill No. 6709 o COVID-19 Unemployment Reduction Economic Stimulus (CURES) Act of 2020 na inaprubahan noong Biyernes at pangunahing inakda nina Speaker Alan Peter Cayetano at Deputy Speaker for Finance Luis Raymund Villafuerte ay magbubukas ng panibagong iskandalo na sampung beses mas masahol sa pork barrel scam ni Janet Napoles.

“HB 6709 has all the characteristics of pork, the CURES will prove to be worse than the disease,” sabi ni Castro sa interpelasyon nito tungkol sa panukala noong Miyerkoles.

May 210 kongresista ang bomoto pabor sa HB 6709 noong Biyernes. Pitong mambabatas naman kasama si Castro at iba pa mula sa Makabayan block ang bomoto laban sa panukala.

Layon ng CURES Act na makapgbigay ng trabaho at income-earning opportunity sa mga lugar na apektado ng COVID-19 pandemic. Nakatuon ito sa pagpapatayo ng mga health facility sa mga barangay, munisipalidad, siyudad at probinsya na matinding naapektuhan ng Luzon lockdown.

Subalit sinabi ni Castro na walang specific line item program sa panukala kundi trillion peso pork barrel funds lamang ito na tinuturing na lump sum allocation na paglabag sa desisyon ng Supreme Court noong 2014 laban sa Priority Development Assistance Fund (PDAF).

“Walang laman ang bill kundi halos blangkong awtorisasyon upang gastusin ang napakalaking tipak na pondo ng bayan,” paliwanag ni Castro sa kanyang pagboto laban sa HB 6709.

“Bibigyan natin ang administrasyon ng 1.5 trillion pesos sa loob ng tatlong taon—walang limitasyon bukod sa malawak na menu of projects, na ipaiilalim sa diskresyon ng makapangyarihang CURES Executive Cluster Committee,” aniya.

“Political patronage, electoral war chest patungong 2022—hindi sa job creation, hindi pagtugon sa krisis buhat ng COVID-19… with all these flaws, the CURES bill will be worse than the disease. I therefore vote no,” wika pa ni Castro. (John Carlo Cahinhinan)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

sixteen + 4 =