Sa nakalipas na dalawang linggo, halos wala po tayong tigil sa pag-iikot sa Bulacan para maghatid ng relief goods at pagpapadala naman ng tulong pinansyal sa iba’t ibang chapter ng Jesus Is Lord (JIL) Church para makapagsagawa rin ng relief operation sa Central Luzon, Calabarzon at NCR.
Binili po natin ang palay ng ating mga magsasaka para hindi na sila mahirapang magbenta at makatulong din tayo sa kanilang kabuhayan habang umiiral ang enhanced community quarantine o ECQ.
Pinamahagi po natin ang unang 116 sako ng bigas mula sa nagiik na mga palay para sa 1,160 pamilya sa Pampanga para pandagdag po sa kanilang pang-araw-araw. Sa ngayon, umaabot na po sa mahigit 600 sako ng bigas ang ating naipamigay mula nang magsimula ang ECQ.
Kombinasyon naman po ng bigas at mga grocery item tulad ng de-lata at instant noodles ang naipadala natin sa 1,600 pamilya sa Laguna, Batangas, Cavite at Nueva Ecija.
Nag-ikot din po tayo sa iba’t ibang bayan ng Bulacan tulad ng Meycauyan, Marilao, Guiguinto at Balagtas para mamahagi ng 5,000 relief goods sa mga pamilyang lubhang naapektuhan ng krisis dahil sa Covid-19. Bukas, magtutungo naman po tayo sa San Jose del Monte at Sapang Palay para ipagpatuloy ang ginagawa nating relief operation.
Noong nakaraang linggo, nakipag-usap po tayo sa mga kapatid nating magsasaka sa Cordillera para bilhin ang kanilang mga aning gulay matapos nating mabalitaan na itinatapon na lang nila ito dahil wala ng mga buyer.
Naibyahe po nila ang 65,000 kilo ng carrots, patatas, sayote, repolyo at iba pang klase ng gulay mula sa Mountain Province patungo sa Bulacan. Sa tulong po ng mga kasamahan nating mga volunteer, agad din natin itong nai-repack at naipamahagi.
Ganito rin po ang ginawa ng lokal na pamahalaan ng Bocaue sa pangunguna ni Mayor Joni Villanueva na talaga pong napakalaki ng hirap para makapag-angkat ng mahigit 100,000 kilo ng gulay mula sa Cordillera para mapakain ang mga mamamayan ng Bocaue.
Naging posible po ito sa tulong ni Senator Nancy Binay na nag-ambag ng pambili ng mga gulay at sa ipinadalang mga bigas ni Senator Sonny Angara.
Maging ang ating Party List CIBAC ay namahagi na rin po ng aabot sa 10,000 pack ng relief goods sa Pampanga, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal at NCR. Gagawin po natin ang ating mga relief operation hanggang umiiral ang enhanced community quarantine.
Bagamat hindi po nito matutumbasan ang malaking bilang ng mga relief goods na ipinamamahagi ng DSWD at ilang mga pribadong organisasyon, nakikita po natin kung gaano kalaking dagdag ito para tugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayang hindi makapagtrabaho o makalabas ng bahay ngayon.
Mapapanatili lamang po natin sa loob ng bahay ang ating mga mamamayan kung matitiyak natin sa kanila ang sapat na suplay ng pagkain at iba pa nilang mga pangunahing pangangailangan.
Hindi po ito ang unang beses na pinangunahan natin ang pagbili, pag-repack at distribusyon ng mga relief goods. Noong 2013, pagkatapos ng pananalanta ng bagyong Yolanda, pinangasiwaan po natin ang pinakamalaking repacking hub sa bansa na isinagawa sa Cebu International Convention Center kung saan nakapag-produce po tayo ng mahigit 300,000 relief packs.
Noon at ngayon, kitang-kita po natin kung gaano kahalaga ang pagpapaabot ng tulong sa mga Pilipino tuwing may kalamidad o krisis. Sa ganitong mga panahon, pagkain ang dapat na prayoridad ng pamahalaan. Kung kumakalam ang sikmura ng ating mga kababayan, paano naman po natin sila mapipilit na manatili lang sa loob ng kanilang mga tahanan para labanan ang Covid-19?
Hindi po natin trabaho bilang isang mambabatas ang mag-repack at mag-distribute ng relief goods subalit ginagawa po natin ito at hinding-hindi po natin ipagdaramot sa ating mga kababayan kung anumang meron tayo dahil nakikita po natin ang tindi ng pangangailangan.
Alam din po natin na ang bawat relief good ay simbolo ng pag-asa at patunay na sa kabila ng Covid-19, kaya nating manalo dahil hindi natin iniiwan ang isa’t isa.
senatorjoelvillanueva@yahoo.com