Pagrehistro ng online store sa BIR may pakinabang

Hinihimok ng gobyerno ang mga online seller na hindi pa nakarehistro sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

Ilan sa mga pakinabang na inaalok ng gobyerno ay ang karapatan na tulong pinansyal sa panahon ng krisis tulad ng COVID-19 pandemic upang hikayatin na irehistro ang kanilang mga maliliit na negosyo.

Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez III, ang pagrehistro sa BIR ay hindi lamang makakatulong sa gobyerno na makagawa ng karagdagang kita para sa iba’t ibang mga proyekto – ang pagsali sa pormal na ekonomiya ay matitiyak din na ang mga negosyong ito at ang kanilang mga empleyado ay karapat-dapat sa mga programa ng tulong ng gobyerno.

Aniya ang mga nasabing pakinabang ay nakalaan lamang sa mga nagrehistro ng kanilang mga negosyo at nagbabayad ng buwis tulad ng mga ordinaryong tindahan ng brick-and-mortar.

Aayuda rin ang gobyerno sa pamamagitan ng wage subsidy, halimbawa, ang mga maliliit na nakarehistro sa BIR at sa Social Security System (SSS) ay maaring makakuha ng kanilang small business wage subsidy (SBWS) program, sabi pa ni Dominguez.

Tinukoy ni Dominguez ang P51 bilyon sa subsidies sa mahigit tatlong (3) milyong manggagawa sa small and medium enterprises (SMEs), na hindi nabayaran ang kanilang mga empleyado sa panahon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) na ipinatupad sa Luzon at sa iba pang mga bahagi ng bansa.

Ang mga benepisyaryo ng SBWS ay kwalipikadong tumanggap ng P5,000 hanggang P8,000 sa isang buwan para sa dalawang buwan lamang kung ang kanilang mga employer ay tapat na nagbabayad ng mga buwis sa kita ng kompanya at inire-remit ang withholding taxes at SSS contributions ng kanilang mga empleyado.

Tanging ang mga rehistradong negosyo lamang ang maaring makakuha ng pautang ng gobyerno sa ilalim ng COVID-19 assistance to restart enterprises (Cares) program ng Department of Trade and Industry, dagdag pa ng kalihim.

Sinabi ni Dominguez na ang BIR’s Revenue Memorandum Circular No. 60-2020, ay nagtakda ng deadline sa Hulyo 31 para sa mga online na tindahan upang magparehistro at magbayad ng tamang buwis, na “bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na magpatupad ng isang programa na makakolekta ng buwis sa mga digital na transaksyon” para sa parehong kalakal at serbisyo.(Mina Aquino)