Nitong mga nakaraang buwan, tiyak kong halos lahat sa atin, nauubos ang oras sa pangangamba, pag-iisip ukol sa kinabukasan, at pakikipagsapalaran sa harap ng situwasyong dala ng COVID-19. Alam ko ito, dahil kami mismo dito sa Tanggapan ng Pangalawang Pangulo, halos mula paggising hanggang pagtulog ay nakatutok sa pagpuno ng mga pangangailangan, at pagtanggap ng feedback mula sa mga nakakasalamuha namin online at sa mga COVID-19 response operations.

Malinaw sa amin kung ano ang idinadaing ng mga komunidad: Pagkain, ayuda, at mass testing para makapagtrabaho muli sila nang hindi masyadong nangangamba. Malinaw sa amin ang hanap ng mga medical frontliners: PPEs, at mas malinaw na plano para maampat ang pagkalat ng virus at palakasin ang sistemang pangkalusugan. Malinaw sa amin ang hanap ng mga maliliit na negosyo: Pagkakataong maitindig muli ang pinagkukunan ng kanilang kabuhayan, pautang o pagpapatawad sa mga bayarin tulad ng upa at kuryente, at mass testing din upang ligtas nilang mabuksan ang kanilang mga puwesto.

Marami pang ibang pangangailangang kailangang punan. Nagsimula ang GCQ nang hindi pa plantsado ang pampublikong transportasyon, kaya napakaraming napupuwersang makisakay sa mobil ng mga pulis o makiangkas sa dumadaang trak. May mga gumigising ng hatinggabi para maglakad nang magdamag, makarating lang nang tamang oras sa trabaho. Mayroon pa ring namamalimos sa kalsada para makaipon ng pamasahe pauwi sa mga probinsya; pagdating naman doon, di rin nila alam kung ano ang daratnan—di alam kung saan kukuha ng panggastos araw-araw, dahil iniwan na nila ang trabaho sa Maynila. Marami ring nawalan ng trabaho, o lumubog na negosyo, dahil sa nangyaring lockdown; may mga OFW namang nawalan ng babalikang trabaho. Lahat sila, nangangailangan ng agaran at makataong tugon mula sa gobyerno. Hinihintay natin ang malawakan at epektibong plano para i-jumpstart ang ekonomiya– isang planong maglalatag ng mga hakbang at istratehiya, higit pa sa paglilista ng budget o perang inutang. Gitna ng Abril nang ipangako ang mass testing; Hunyo na, pero yung commitment na 30,000 tests kada araw, wala pa sa kalahati ang naaabot. Hinihintay pa rin natin ang malinaw na sistema para sa contact tracing, sabay ng paghihintay natin sa malinaw at maayos na datos. Sa tamang datos nakasalalay ang tamang desisyon; kung sala-salabid ang datos, lalo lang itong magdudulot ng pagkalito at pangamba.

Ang masasabi natin ukol sa Anti-Terrorism Act of 2020: Wala ni isa sa mga nabanggit kong pangangailangan ang matutugunan ng batas na ito.

Kailangan kong idiin: Ang COVID-19 ang pinakamatinding krisis na sinapit ng sangkatauhan sa loob ng maraming henerasyon, at walang ibang paraang daigin ito kundi ang ibuhos ang buong lakas ng bawat indibiduwal, bawat grupo, bawat institusyon sa pagtugon. All hands on deck ang kailangan.

Maliban sa pagiging wala sa timing, gusto ko ring linawin kung ang batas nga bang ito ang sagot sa terorismo. Isa ako sa unang magsasabi: Walang puwang ang karahasan o terorismo sa lipunan. Kung gagawa ng isa pang batas dagdag sa mga existing laws na mayroon na ngayon, pinakamainam kung magagawa ito nang masinop at kung malilinaw ang bawat probisyon. Hindi ito puwedeng madaliin; kailangang mapakinggan ang iba’t ibang tinig sa pagpapanday ng batas. Lalo na dahil maraming mga probisyon na maaaring ma-misinterpret o maabuso.

Ang tanong ko nga: Terorismo ba talaga ang tuon ng Terror Bill? O gusto lang nitong bigyan ng kapangyarihan ang estado para bansagang terorista kung sino man ang kanilang gusto? Nag-iisang paragraph ang inilaan para sa Program to Counter Violent Extremism. Sa kabilang banda, maraming probisyon ang nakatutok sa pagpapalawak ng kung sino ang puwedeng bansagang terorista, at sa pagbabawas ng mga checks and balances laban sa mga wrongful arrest. Nagdudulot ito ng pangamba na maaaring gamitin ang batas upang siilin ang karapatan nating magpahayag ng malayang saloobin. Especially in the wrong hands—in the hands of people who have no qualms about using disinformation, inventing evidence, or finding the smallest of pretexts to silence its critics—napakamapanganib ng kapangyarihang ito.

Inuulit natin ang panawagan: Itutok sana ng bawat institusyon ang buo at walang-kahating atensyon sa pagtugon sa mga pinakaagaran at pinakamahahalagang pangangailangan. Huwag madaliin ang pagpanday ng batas, lalo na ang mga batas na direktang nakakaapekto sa buhay at paraan ng pamumuhay ng napakarami sa atin. Sikapin sana nating maisalamin nito ang saloobin at adhikain ng taumbayan. Hinihimok natin ang ating mga mambabatas: Magpamalas sana sila ng ibayong pakikinig at paninilay sa pagpanday ng Terror Bill.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

fifteen + twelve =