It Girls o mga Jetsetters ang magkakaibigang sina Atty. Jane Catherine Rojo, Harriette Joyce Laurilla at Jobie Legaspi. Career driven, fashionable at madalas ay lumilibot sa buong mundo.
Balak sana nilang bumiyahe muli ngayong taon pero dahil sa Covid-19 pandemic, hindi na ito matutuloy. Sa halip na manatili sa bahay, mag-internet at magbasa-basa, naisip ng magkakaibigan na lumabas at tumulong sa mga nagugutom.
“Nagsimula kami sa malapit lang sa amin, noong March 18. Nag-grocery kami at namigay sa mga homeless sa paligid. Hanggang sa pati lutong pagkain, nagpe-prepare na rin kami for them. Ang tanging ipinakiusap namin sa kanila, huwag silang aalis sa kung saan man sila nandoon at magkakaroon sila ng regular na supply ng pagkain,” ayon sa abodaga na isa ring book author.
“We do groceries in bulk in the afternoon because I work in the morning. We pack the goods in the evening, then we deliver the following day.”
Nadagdagan pa ang kanilang tinutulungan nang may nag-donate na rin sa kanila. “It started from our personal funds for travel and eventually may nagdo-donate nang contacts namin kaya naging tuloy-tuloy ang operation.”
Nagsimula lang sila sa pagtulong sa mga homeless sa Makati, at lumawak pa ito sa mga nangangailangan sa Muntinlupa, Pasay, Pasig, Mandaluyong, Quezon City, Bulacan, Pampanga, Bataan, Laguna, Cavite, Batangas, Rizal, Quezon Province at Camarines Norte. Nagpapadala sila ng pera sa mga napagkakatiwalaang contacts doon para ipamili ng pagkaing ipapamahagi.
Nakipagtulungan din sa kanila ang mga miyembro ng tricycle drivers association sa Antipolo para ipamahagi ang groceries at magtayo ng isang lugaw caravan.
“Kindness is powerful. Bago ko sinimulan ang project na ito, lagi akong takot at paranoid dahil sa kumakalat na pandemic pero noong nakita ko ang paghihirap ng iba, nagkaroon ako ng lakas at tapang para unawain ang kalagayan nila.Sa totoo lang, naging positibo ang experience kong ito dahil napairal namin ang pagmamalasakit sa kapwa. Nagdadasal na lang kaming mapanatili ang aming mabuting kakusugan sa kabila ng aming pagtulong sa labas,” ayon kay Atty. Catherine.
Sa kanilang pagtulong, napatunayan ng magkakaibigan na higit pa sa kaligayahan ng pagba-biyahe ang kanilang naranasan.