Habang lumalaki ang ating mga anak, mas nagi­ging conscious sila sa kanilang katawan at sekswalidad. Ito rin ang panahong nagtatanong na sila tungkol sa atraksyon sa ibang tao, pag-ibig at sex. Madalas, hindi tayo handang sagutin ito o pag-usapan.

Pero alam nating kailangan lalo pa’t nakakaalarma ang dumaraming mga kabataang babae na nabubuntis sa edad na 10 hanggang 14.

Sinasabi ng Commission on Population na kakulangan sa tamang impormasyon tungkol sa sex pati na ang pagiging lantad ng mga kabataan sa Internet at mga barkada ang nagiging dahilan nito. Sang-ayon ako rito. Kaya bago pa ito mangyari, may ilang tips ako kung paano nga ba tayo magiging bukas sa kanila pagdating sa sensitibong paksa.

1. Ihanda ang sarili para tama ang kaalamang ibabahagi. Isa sa tips ko ay i-expose sila nang maaga sa usaping ito para mas maging natural at mawala ang malisya. Puwede silang basahan ng stories tungkol sa pagkakaiba sa body parts ng babae at lalaki, at ang pagkakaiba ng gender.

2. Magkaroon ng bukas na komunikasyon sa inyong mga anak. Isa ito sa hindi nawawala sa amin ng mga anak ko sa kabila ng aking busy schedule bilang mambabatas. Mas magiging komportable sila sa atin kapag naramdaman nilang handa ta­yong makinig sa kanila. Tiwala silang ilapit sa atin kahit anong tanong o problema. Ayaw naman nating hanapin nila ang sagot sa Internet na madalas ay nauuwi sa hindi maganda.

3. Ipaliwanag ang kahihinatnan ng kanilang mga desisyon. Responsibilidad nating gabayan sila sa pagdedesiyon at ipakita ang consequence ng kanilang choices. Pero take note na huwag pagalit dahil lalayo ang kanilang loob.

4. Bigyang-diin na sila ang may kontrol sa kanilang katawan. Sa ganitong paraan, maiintindihan nilang pri­bado dapat ang katawan at walang sino man ang basta-basta puwedeng humawak sa kanila nang walang pahintulot kahit pa malalapit na kaibigan o kamag-anak. Matututunan din nilang irespeto ang sarili at ang kanilang kapwa.

5. Busugin sila sa pagmamahal at pang-unawa. Golden rule dapat ito sa bawat tahanan. Kapag ramdam nilang tanggap at mahal natin sila, hindi sila basta-basta magpapadala sa peer pressure ng barkada o ng lipunan.

Dati, pinatatakpan ang ating mata kapag may eksenang hahalik na ang bidang lalaki sa kanyang leading lady. Walang paliwanag ang ating nanay kung bakit, basta huwag tayong tumingin. Kapag sinabi natin ito sa ating mga anak na millennials at Gen Z, hahanap sila ng paraan para makakita. Kaya mahalaga na sa paghahanap nila ay ang pagmamahal natin ang kanilang matagpuan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

8 + 13 =