Pasok mga suki

Sana ay matapos na ang pandemic kasi wala nang online buyers.

‘Yan ang sigaw ng mga legit online sellers sa Facebook.

Lahat daw ng Pilipino ay naging online marketers na.

Ngunit kahit maraming sumulpot na online sellers ay maaari pa rin na maiba sila sa mga nasa parehong estilo ng negosyo.

Sa mundo ng marketing at communication, ang online selling ng produkto ay magiging matagumpay lamang kung ang merchant ay may unique selling proposition, nagbibigay ng added value, at may alam sa competitive advantage.

Halimbawa nito ang pagiging walang palya o consistent sa kalidad ng produkto na inaalok.

Isa pa ay dapat daw na maganda ang kuha ng mga litrato ng produkto bago i-post ito sa FB page.

Kailangan ay mamuhunan o mag-invest ang online seller sa isang maayos na set ng camera o malilinaw na larawan kuha mula sa smart phone.

Mahalaga rin daw na napapanahon o timely ang produkto o serbisyo na ititinda.

Higit sa lahat, kahit online ay dapat maging magaling ang customer service skills ng entrepreneur.

Ito ang tunay na makakaakit sa mga kliyente, bago man o suki na.

Kapag pinagsama ang product at promise ay napakainam na kombinasyon nito.

Ibig sabihin ang dapat mas pagtuunan ng pansin ay ang pagbibigay ng ‘di malilimutang customer service experience sa mamimili.

Ang tanong pa rin ng mga parokyano ay ano ang kakaiba sa nagbebenta at ibinebenta para bilhin nila ang iyong tinda online.

Isa pang trending topic ang ay paglalagay ng presyo ng produkto na inaanunsyo ng online sellers.

Ayon sa gobyerno, alinsunod sa Consumer Act ay dapat ilagay ang wholesale o suggested retail price (SRP) ng anomang ibebenta online.

Proteksyon daw ito sa mga mamimili, online man o sa mga tindahan na may puwesto o mga brick and mortar store.

Pabirong sagot naman ng online sellers, ilagay man nila ang SRP ay marami pa rin namang tanong ang online buyers at kadalasan ay ‘di naman bumibili.

Wika ng libo-libong online selling marketplaces ay wala pang batas sa online selling sa Pilipinas.

At kung magkaroon daw ay isa na namang paraan ito ng pagpapahirap sa mga tao lalo na sa mga reyna ng tahanan na ang nais lang ay magkaroon ng dagdag na kita.

Kung bakit naman daw sa panahon pa ng pandemya kung saan marami ang apektado sa kawalan ng kita at trabaho ng halos tatlong buwan ay saka pa maghihigpit ang mga kinauukulan.

Pangamba nila na baka sa susunod ay pagbayarin na sila ng business permit at tax bilang rehistradong negosyo.

Ang puno daw na hitik sa bunga ay kadalasang pinupukol.

Ang pagiging maparaan ng mga Pilipino ay tunay na kahanga-hanga.

Likas naman ang galing natin sa diskarte sa pag-aalok o pagbebenta.

Naka-ugat na ito sa kultura ng pakikisama at pagkakaroon ng extended families katulad ng mga dabarkads since birth o malalaking grupo na kinaaaniban.

Lalo pa sa talento ng pagluluto ay tiyak na ‘di pahuhuli ang mga Pinoy.

#Lifegoals ngayon ang maging lockdown masterchef.

Pinakamabili sa lahat ng online products ang pagkain mula panghimagas hanggang sa mga espesyal na panghandaan na putahe katulad ng kare-kare at kaldereta.

Sa lahat ng produkto o serbisyo, tangi na sa pagkain lamang maaaring sabihin na “D’ Best” sapagkat walang katulad ang sarap ng bawat lutong bahay.

Sa aming subdivision ay nagkaroon bigla ng sariling online palengke at delivery service.

Akma ito sa quarantine dahil “bawal lumabas”.

Ngunit sa kultura rin ng mga Pinoy ang pagiging gaya-gaya at minsan ay umiiral pa rin ang crab mentality.

Nakikita ito sa pagsulpot ng pareparehong negosyo at produkto na ibinebenta.

Kung nagtayo daw ng lugawan si Juana at napansin na kumikita ang kabuhayan, sa kabilang iskinita ay maglulugawan din si Maria.

Hanggang kanto-kanto ay iisa na lang ang produkto at serbisyong inilalako.

Ang dulo ng istorya na ito ay ang lahat ng nagtayo ng lugawan ay unti-unti at isa-isang nagsara.

Kaya tinawag na crab mentality ay dahil tila mga alimango na nasa loob ng buslo na sabay-sabay umaakyat at kanya-kanyang paraan para makausad sa iba pang alimango.

Sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2018 ay may 887,272 ang bilang ng registered micro enterprises o mumunting negosyo sa Pilipinas.

Katumbas nila ang 88.5% ng sangka-MSMEs (micro, small and medium enterprises) sa bansa.

Kada micro business ay may isa hanggang syam na tauhan.

Aabot naman sa 2,610,221 ang bilang ng mga empleyado sa micro enterprises.

May 28.9% ‘yan sa kabuuang bilang ng empleyado sa MSMEs sector.

Nang datnan tayo ng coronavirus ay isa ang sektor ng maliliit na negosyo sa pinakanadapuan ng peste.

May pagtatangka ang pamahalaan na tulungan sila bagamat marami pa rin ang umaaray.

Milyon ang nalugi sa kanila batay sa DOLE at DTI.

Kung napilipit daw ang mga kamay ng mas malalaking negosyo, ang maliliit ay para namang nakaposas.

Kung ‘di daw bubuti ang kalagayan ng kanilang munting negosyo ay malamang na magsara na sila.

Kapusod nito ang pagkawala ng trabaho ng kanilang mga manggagawa.

Pinag-uusapan na ang malawakang plano ng gobyerno habang ang ayuda ay ‘di pa raw nila nararamdaman.

Natural na humiyaw ang mga maliliit na negosyo dahil sa malaking dagok na ito.

Hangad natin na mabilis na makapaglunsad ang pamahalaan ng mga programang sasagip sa malapit nang malunod na MSMEs.

“Out of the bad things come good things.”

May kaunting linaw akong nakikita sapagkat ang pribadong sektor ay may naisip na paraan para tugunan ang suliranin ng mga papalaki pa lang na negosyo.

Isang grupo ng mga business consultant ang bumuo ng adbokasya na umayuda sa larangan ng pagbibigay-payo sa MSMEs.

Mahal ang serbisyo ng isang consultant para makahingi ng kaalaman na eksperto ng mga dalubhasa.

Kaya kung libre itong maibibigay ng trainers, coaches at mentors ay malaking bagay ito para manumbalik ang sigla ng mga negosyong bago at bata pa.

“It took a crisis to get everybody on board.”

‘Yan ang malimit na sinasabi ng mga tao o grupo na biglang nagising para magkaisa na labanan ang krisis.

Siniseguro nila na “no one is left behind”.

Sa mga small enterprises at sa mga online sellers, nawa ay ituring nila na panandalian lamang ang pagsubok na ito.

There are many lessons to discover from the CoViD-19 crisis; it is up to us how we will learn from each.

Maaari na ito ay magbukas ng pagkakataon para makaisip ng kakaiba at makapagpanibago sila ng kaalaman sa pangangalakal.

Makababangon pa rin sila kung may sipag at tiyaga at pananalig sa kanilang sariling kakayahan at sa kapangyarihan ng Diyos na Lumikha.

Baka sila ang makatuklas ng makabagong business playbook na susundan at maibabahagi bilang success story sa iba.

Kung may katanungan ukol sa Life Coaching o may kwento kayo na nais ibahagi, maaaring mag-email sa coachalextr@gmail.com o magtext sa 0917-5332322.

*Si Lex Rosete ay isang Certified Life Coach mula sa Life Coach Philippines. Isa rin syang guro, trainer at consultant sa communication, human resources management, organization development, at public administration.