Dear Kuya Rom,
Kami ay maligaya sa aming relationship. Pero may problema kami ng boyfriend ko. Hindi dahil may gusot kaming dalawa, kundi tungkol ito sa dating girlfriend niya.
Magkapitbahay sila at matagal na may relasyon na naputol dahil mahirap pakisamahan ang babae at nag-wala nang malamang may bagong girlfriend siya. Ako iyon.
Laging sumasakit ang ulo ng babae at apektado ang kanyang trabaho. Sinabihan siya na magpatingin sa clinic para malaman kung may sakit siya. Ang sabi sa kanya, ang kailangan niya ay psychiatrist. Lumabas na may psychotic personality disorder siya.
Lumalala ang pangyayari. May mga bagay na ginagawa siya na hindi niya dati ginagawa. Naglalasing na siya, sumisiping sa iba’t ibang lalaki at humihithit ng marijuana.
Napansin ito ng boss niya at pinagalitan siya. Kung hindi siya magbabago, maaaring mawalan siya ng trabaho. Patung-patong na ang kanyang problema.
Naisip ng boyfriend ko na baka magpakamatay ito. Nababahala ako dahil parang lumalabas na ako ang dahilan kung bakit nangyayari ito sa kanya. Alam kong hindi ko responsibilidad na kausapin siya, pero ayaw kong saktan niya ang sarili niya.
Kuya, tawagin mo na lang akong Tessie. Sabi ng boyfriend ko, kakausapin niya ang babae at lilipas din ang lahat ng ito. Pero parang guilty kaming dalawa sa mga nangyayari. Kuya, anong gagawin namin? — Tessie
Dear Tessie,
Kung ang isang babaeng kilala ninyo ay maaaring mag-isip na magpakamatay, delikado ang sitwasyong ito. Kahit mabuti ang hangarin ninyo, kayong dalawa ng boyfriend mo ay hindi kailangang makipag-usap sa babae, sapagkat maaaring baligtad ang magiging resulta nito at lalong lumaki ang problema.
Ang masamang ugali, paglalasing, pagsiping sa mga lalaki at paghithit ng marijuana ay personal na gawa ng babae. Ang paggawa ng kasalanan ay personal niyang desisyon. Hindi kayo dapat ma-guilty sa mga gawa niya.
May sariling sakit siya, kaya’t wala kayong kontrol sa mga nangyayari. Ang magagawa lamang ng boyfriend mo ay humingi ng tulong sa kanyang magulang para kausapin ang pamilya ng babae at sabihing ingatan at bantayan nila ang pasyente sapagkat ang sakit na ito ay maaaring mauwi sa pagpapakamatay.
Maaaring ang boyfriend mo ay humingi ng tulong sa isang pastor para kausapin ang buong pamilya ng babae, ilapit sila sa Diyos at ipanalangin ang may sakit. Kung may kahinaan man, sapat ang biyaya ng Diyos na magbibigay kalakasan. Siya ay ating Dakilang Manggagamot na nagpapagaling sa ating mga karamdamang hindi nalulunasan ng medisina.
Sa isang problema o karamdaman, dumarating ang diyablo para nakawin, wasakin at patayin ang buhay ng isang tao. Subalit dumarating ang Diyos upang ang tao ay magkaroon ng buhay na ganap at kasiyasiya. Sa Diyos tayo kumapit sapagkat Siya ang ating tanging pag-asa. God bless you!
Payong kapatid,
Kuya Rom