SA scale ng 1-10, naniniwala si Commissioner Willie Marcial na mataas ang tsansang babalik ang PBA kahit isang conference na lang sa 2020 calendar.
“Seven to eight sa akin na matutuloy,” ani Marcial sa online PSA Forum nitong Martes. “Sa akin, makakalaro pa talaga tayo kahit isang conference this year.”
March 11 nang kanselahin ni Marcial ang Philippine Cup dahil sa coronavirus.
Bumababa na ang level ng quarantine, humingi ng pahintulot ang PBA sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na payagan nang bumalik sa ensayo ang players.
“Kapag pinayagan ang PBA, hindi lang basketball – baka lahat ng sports dahan-dahan na papayagan na ‘yan,” dagdag ni Marcial.
Walang timeline kung kailan tutugon ang IATF, pero posibleng maging daan ito para mabigyan na rin ng go-signal ang ibang sports na bumalik.
“PBA will be a gauge for most of our sports. We can set a model for other events. I hope i-consider ng IATF ‘yung request natin,” dagdag ni PBA head of operations Eric Castro na kasama ni Marcial sa online Forum. (VE)