CAREER-HIGHS ang points at assists ni Bruce Brown, pero mas napabilib ang kanyang coach sa stat line na hindi niya nakuha Sabado nang gabi.
Sinaluduhan ni Dwane Casey ang kanyang sophomore player tapos ng 113-109 panalo ng Detroit Pistons kontra Brooklyn Nets.
Nagsalansan si Brown ng 22 points at 7 assists sa una niyang career start sa point.
“The key to the game was not letting them get out in transition,” ani Casey sa turnovers. “He did an excellent job. Him being a point guard, that’s why the summer league was beneficial for him, to make sure that he learned to run pick-and-rolls, to run the team.”
Nagsumite si Andre Drummond ng 25 points at 20 rebounds, tumapos si Luke Kennard ng 24 points kabilang ang panelyong drive at dalawang free throws sa final 30 seconds.
Sa pangatlong sunod na laro ay may 20-20 na si Drummond, pang-apat sa pitong laro ngayong season. Namigay pa siya ng 6 assists, may 5 blocks at 3 steals.
Pangatlong player sa nakalipas na 25 years si Drummond na may tatlong sunod na 20-20 games tapos nina Kevin Love at DeMarcus Cousins. Si Anthony Davis ng Lakers lang ang isa pang may 20-20 game ngayong season.
Nawalan ng saysay ang unang triple-double (20 points, 11 rebounds, 10 assists) ni Kyrie Irving bilang miyembro ng Nets. Naka-six points lang siya sa first three quarters dahil sa pambubulabog ni Brown. (VE)