HELLO to all avid followers of Kapitbahay.
Ang buhay nga naman sa mundo, minsan, kung sino pa ang mahirap ay sila pa ang malaki ang ulo sa katawan. Meaning, mayabang.Tinutukoy ko po ang mga neighbor kong sina Mang Kanor at Aling Sela.
Isa pa, may mga edad na nga eh ang lalakas pa ng hangin. Nasa 60’s na sila. Sa totoo lang, tulad din ng iba naming kapitbahay ay hirap din naman sila sa buhay.
Marami po kasi rito ang hindi nakatapos kahit high school lang. ‘Di yata talaga uso rito ang pag-aaral kaya marami ang PAL (palamunin).
Ang kuwento po kasi niyan, si Mang Kanor ay paekstra-ekstra lang sa pagkakakarpintero at si Aling Sela naman ay nasa bahay lang. ‘Yung mga anak naman nila ay lima na puro mga lalake at mas marami pa ang mga tambay.
Ang isa don, nagta-tricycle pero nakikilabas lang. ‘Yung isa naman, helper sa talyer. Tatlo pa ang walang pamilya sa magkakapatid na ‘yun. Ang malaking isyu talaga rito ay ‘yun nga pong mag-asawang matanda. Ang dalas nilang magparinig na masarap daw ang ulam nila at hindi raw sila kumakain ng maliliit na isda dahil baka matinik pa raw sila.
Masyado pa silang mapangmata sa ibang tao na mga patay-gutom daw at madudumi. Marami kasi ritong mga batang nagkalat sa daan na hindi masyadong pinapansin ng mga magulang. Hindi na yata pinapaliguan at sa daan pa pinasasalampak at pinapakain ng kahit ano lang.
Totoo naman ‘yung sinasabi nila na madudungis pero hindi naman po akma yung term na patay-gutom kasi kahit sila nga ay halos walang makain dahil kapus-kapos din naman sila.
Brenda of Quezon