Sa Lunes pa magsisimula ang GCQ sa buong NCR pero ngayon pa lang ay nagsimula na ulit na magbenta ng kanyang mga produkto si Pokwang.
Ipinasilip ng Kapamilya star ang mga kahon-kahong produkto nito na naglalaman ng chili sauce, aligue, timpladong suka at iba pa.
Makikita sa larawan ang pagiging abala ng live in partner niyang si Lee ‘O Brian na naglagay sa kahon ng mga nabanggit na product, sa pinaghalong business name nilang pokleeproducts.
Pansamantalang naisantabi ang pagbebenta ni Pokwang ng produkto niya nang mag-lockdown. Pero pinagtuunan naman niya ng pansin ang pagtulong sa mga frontliner.
Ngayong sasabak sa new normal ang sambayang Pilipino, handa na rin si Pokwang na balikan ang kanyang negosyo lalo’t wala pang linaw kung kailan siya mapapatawag ng network para mag-taping.
Sa ilang mga celebrity na natengga nang mag-lockdown at wala pang kasiguraduhan kung babalik pa sa ere ang network nila, ang pagbebenta sa online ang pinagkaabalahan ng mga ito. (Rey Pumaloy)