SINO daw itong lokal na opisyal ng gobyerno ang kinikikilan ang lahat ng mga negosyante sa kanyang nasasakupan?
Nakarating sa impormasyon ni Mang Teban na bawat negosyo, malaki o maliit, ay hinihingan ng politiko ng tig-P15,000.
Siyempre, hindi ang politiko ang nakapronta sa paniningil kundi ang pinagkakatiwalaan niyang tao.
Napilitan tuloy ang mga magbababoy sa palengke na magbigay ng ‘tara’ upang hindi maperwisyo ang kanilang negosyo.
Nabalitaan kasi nila na marami nang pinasarang negosyo itong lokal na opisyal, lalo na ang mga pinaghinalaan lamang niyang kakampi ng kalaban sa politika.
Malaki kasi ang ginastos ng lokal na opisyal sa nakaraang halalan kaya bumabawi sa mga pobreng tindero.
Ang balita kasi, bawat botante ay binayaran niya ng P3,000 para lamang manalo sa nakaraang halalan.
Pintahan niyo na. Ang politiko na nangikil sa mga negosyante sa kanyang lugar ay mahilig pumorma kahit hindi naman pogi. May letrang R sa kanyang pangalan as in raket.