TINATAYANG nasa 85 politiko na kinabibilangan ng kongresista, alkalde, sangguniang bayan member, barangay captain at iba pang tauhan ng gobyerno sa Central Luzon ang nasa drug watchlist at minomonitor for revalidation ng Philippine National Police sa Central Luzon.
Ito ang kinumpirma ni PNP Region 3 Director Chief Supt. Joel Napoleon M. Coronel sa harap ng mga kagawad ng national oversight committee on illegal drugs na nagsagawa ng pulong nitong Biyernes sa Nueva Ecija PNP Hostel sa Cabanatuan City.
Kasama sa pulong sina NE Police Director Senior Supt. Leon Victor Z. Rosete, mga NEPPO official at si PNP Deputy Director-General Archie Francisco Gamboa, chief for operations.
Nabatid na sa Central Luzon, umabot sa 68,000 katao ang nasa drug watchlist, at nakakategorÂyang pusher, user o trafficker at 55% nito ay pawang sumuko, mga 18,000 ang arestado at may 6,000 iba pa ang pinaghahahanap pa.
Ang Central Luzon ay binubuo ng mga lalawigan ng Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Zambales, kasama ang mga lungsod ng Angeles at Olongapo.