Dahil ako ang pinakamalakas ang pangangatawan sa aming bahay kaya sa akin nakapangalan ang quarantine pass na ginagamit ko tuwing pupunta sa sentro ng bayan dito sa lalawigan ng Quezon. Ito ay sa kabila ng katotohanang dalawa ang maintenance medicine na araw-araw kong iniinom sanhi ng pinabayaang kalusugan noong kabataan ko.
Ngayong nagkaedad, natural, saka ako sinisingil ng mga sakit-sakit. Ngayong nagkakaedad at naka-quarantine saka ko pa lamang naisip na alagaan ang sarili; saka ko pa lamang naisip na maging malusog, kumain nang tama, mag-ehersisyo. Samantalang noong malakas pa ang katawan, noong nasa kasiglahan pa ng buhay, nagpabaya.
Kailan lang ako tumigil sa paninigarilyo, pero manaka-nakang nagpupuyat pa rin. Napapatagay. Sige na nga, tumatagay talaga. Mabuti nga’t ngayong quarantine, wala munang kasiyahang may kasamang iniinom na alak. Ngayong naka-quarantine, kasiyahan na ang maging ligtas at buhay.
Wala nang magagawa ang pagsisisi, wika nga. Narito na rin lang, bakit hindi pa baguhin ang buhay. Tutal, mukhang doon na rin lang patungo: ang malakihang pagbabago mula sa nakasanayang uri ng pamumuhay.
Sino ang makapagsasabi? Baka maging permanente na ang social at physical distancing. Baka maging bahagi na ng buhay natin ang maya’t mayang pag-aalkohol at pagsusuot ng facemask. Baka maging permanente na ang pagpila sa mga establisimyento.
Hindi lang katawan natin ang babaguhin ng salot na COVID-19. Pati ang pakikitungo sa kapwa. Pati ang kakayahan nating pangalagaan ang ating damdamin at pag-iisip.
Hindi kasi masyadong napapansin ang epekto sa karaniwang naka-quarantine. Oo nga’t hindi ka pa biktima ng mismong sakit, hindi ka person under monitoring o person under investigation, pero may pinapasang problema ang isang tao kung nakararanas siya ng pagkabalisa at pangamba. Malaki ang epekto nito sa kabuuan ng kaniyang pagkatao.
Tandaan sana nating hindi lang mismong ang katawan, hindi lang ang pisikal na katawan, ang sinasalanta ng sakit na ito. Kahit hindi nagpopositibo sa COVID-19 ay maaaring dumaranas ng sakit na kaugnay ng salot na ito.
Kinikilala na ng maraming sektor ng lipunan, lalo na iyong nagsusulong ng mental health care, ang kalungkutan at depresyon bilang malalaking problemang dapat kaharapin at tugunan ng nararapat na ahensya. Hindi ito biro lalo’t mistulang nakakulong sa bahay sanhi ng lockdown ang dumaranas ng depresyon.
Maaaring hindi bahagi ng katawang ginagamot sa umaapaw na pagamutan ang depresyon. Pero hindi maiaalis na kung dami lamang ng taong dumaranas, matatawag na rin itong krisis. Bahagi ito ng ating pagkatao, ng ating well-being. Ang kalusugan at kawalan ng sakit ay dapat na nakatuon hindi lamang sa pisikal na manipestasyon nito. Dapat maging sikolohikal.
Kaugnay ng espasyong ito, nais kong ipaalala na may mga salik pa ang ating pagkatao na nangangailangan din ng kalinga, ng lunas, ng mahaba-habang gamutan. Kay gandang pagmunihan ngayon ang salitang ‘pagkatao’. Lalo’t nakakaligtaan ng maraming may iba pang bahagi ng ating pagkatao ang nagdurusa.
Muli, mag-iingat sana kayong lagi at tumulong sa mas nangangailangan.
***
Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes