Saksakan ng galing

Sunod-sunod ang mga maaring ituring na dagok sa kalayaan ng pamamahayag.

Kabilang dito ang paghinto ng pagsasahimpapawid ng ABS-CBN, ang naka-ambang batas kontra terorismo o ang Anti-Terror Act, at ngayong linggo ang hatol na may-sala ang mga peryodista sa Rappler.

Sasabihin ng pamahalaan na ang mga ito ay walang layunin na kitilin ang kalayaan sa pamamahayag.

Nguni’t aminin man nila o hindi, ang mga aksyong ito ay tila nagbibigay ng banta para sa mga hindi sumasang-ayon sa pamahalaan at sa pamunuan nito at lalong-lalo na sa mga bumabatikos sa kanila.

Ang pamamahayag na hindi natatakot magbigay ng puna sa pamahalaan ay tanda ng isang demokrasya.

Ang pagbatikos sa mga patakarang pampubliko ay hindi lamang isang karapatan, kung hindi isang obligasyon ng bawa’t mamamayan. Tila ng gusto ng ibang mga opisyal ay ang laman ng balita ay puro mga anunsyo lamang nga mga pangyayari, kagaya nung panahon ni Marcos. Sa isang pahayagan nuon, ang halimbawa ng mga ulo ng mga balita ay “Araw ng Kalayaan ipinagdiriwang ngayon” o “Araw ng mga patay ngayon.” Bagama’t paminsan ay nakakatawa, ang mga ganitong uri ng pagbabalita ay malaking insult sa taong-bayan.

Ang mga nagsusulat at mga patnugot ay marahil walang ibang maaring maisulat sa kawalan ng magandang balita na tanging pinahihintulutang maisa-balita.

Sinubukan kong isulat ang mga nangayayari ngayon sa ilalim ng rehimeng hindi naniniwala sa batikos at pagpuna ng mga mamamayan. Babala! Ang mga sumusunod na mga salaysay ay hindi totoo at kathang-isip lamang na maaring mangyari kung puro magandang balita lamang ang maaring isapubliko.

Kung maganda ang pagbabalita ukol sa COVID-19:

Masayang ibinalita ng Kagawaran ng Kalusugan na sampung tao lamang ang namatay ngayon dulot ng COVID-19. Kung ihahambing sa mga nakaraang mga araw, ang bilang ng mga namamatay ngayon ay mas mababa. Ang pagbaba ng bilang na ito ay iniuugnay sa pambihirang kagalingan ng pamamalakad ng Kalihim ng Kalusugan na si Secretary Duque. Idinagdag ng kanilang pahayag na dapat lubos ang pasasalamat ng taong-bayan sa pananatili sa posisyon ni Duque at naging possible ang ganitong tagumpay natin sa paglaban sa COVID-19. Ang buong mundo ay nakatingin sa Pilipinas upang
pamarisan ang ating karanasan.

Kung maganda ang pagbabalita ukol sa ekonomiya:

Tuwang-tuwa sa sarili ang mga nagpapalakad ng ekonomiya sa kanilang bagong naisip kung paano makalikom ng pera ang pamahalaan sa pamamagitan ng pagbubuwis sa mga munting negosyong kumikita ng barya-barya upang makatulong sa pagtustos sa kanilang mga pamilya. Sinabi ng opisyal na higit na madali ito sapagka’t ang mga negosyanteng ito ay walang kakayahan na kumuha ng mga abogado na magtatanggol sa kanila. Dagdag pa niya na mas mahirap habulin ang mga hindi bayad na buwis ng mga POGO at mga dambuhalang kumpanya dahil malaking trabaho ito.

Kapag puro magandang balita lamang ang gusto nating marinig, tiyak na lalabas na saksakan ng galing ang ating pamahalaan.