Walang dudang bubuhating muli ng pinatatag na ‘tax reform package’ na Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act (CREATE) ang sunadsad na ekonomiya ng Pilipinas dahil sa epidemya ng COVID-19.

Ito’y dahil lilikha ng mahigit 1.1 milyong trabaho sa loob ng limang taon ang CREATE bill at walang dudang magdadala ng isang V-Shape Recovery o biglaang pagbangon ng ekonomiya ang mas pinatatag na tax reform bill.

Nabatid kay House Ways and Means Committee Chair Albay Rep. Joey Salceda, co-chair ng Defeat COVID-19 Committee Stimulus Package, ang bilang umano ng trabahong mabubuksan sa pagpasa ng CREATE ay mababa lamang sa kalahati ng tinatayang 2.2 milyon hanggang 4.4 milyong manggagawa na matatanggal sa taong kasalukuyan, dahil sa COVID-19.

Ang CREATE ay ang dating Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act o CITIRA na pinagtibay ng Mababang Kapulungan ng Konreso sa pangunguna ni Salceda, na siya ring pangunahing may akda ng bill.

Layunin nito na lalong matugunan ang hamon ng new coronavirus pandemic.

Binigyan-diin ni Salceda na ito’y makatutulong sa paglago ng may 1.2% ng GDP bawat taon, na maaring pumalo sa 8% sa 2021 ayon sa tinatawag na ‘base effect’.

Sa ulat ng Cabinet-level Development Budget Coordination Committee (DBCC), maaring lumago ang ekonomiya sa antas na 7.1% hanggang 8.1 % sa 2021.

“I think we need CREATE in order to trigger a V-shaped recovery next year,” punto ni Salceda, na nagpasalamat sa suportang ipinakita ng kapwa mga kongresista, upang maipasa ang panukala sa lalong madaling panahon.

Ang CITIRA ay inaprubahan ng mababang kapulungan nang nagdaang taon, at ngayo’y nakabinbin sa Senado.

Nakapaloob sa bagong bihis na CITIRA o CREATE ang pagbawas ng Corporate Income Tax (CIT) sa bansa mula 30%, na siyang pinakamataas sa rehiyon, hanggang 25%.

Dagdag pa ng mambabatas, maraming “flexible incentives” ang CREATE. Mula sa 25% na CIT nito, tatabasan pa rin kaagad ang 5%, at patuloy na babawasan ng 1 % taun-taon mula 2023 hanggang 2027, tungo sa 20% na target.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

20 − one =